Yasmien, ililipad ng husband sa Japan

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ni NORA CALDERON

ILILIPAD si Yasmien Kurdi sa Japan ni Rey Soldevilla Jr., ang pilot husband niya ngayong Valentine’s Day. 

Kaya ang sabi namin kay Yasmien, ang sweet naman ng Valentine’s gift ni Rey sa kanya.

“Very thankful po ako dahil nagkataong break namin sa taping ng Hindi Ko Kayang Iwan Ka kaya libre rin ako ngayong Valentine’s Day,” nakangiting sagot ni Yasmien na halatang kinikilig sa habang nagkukuwento. “At nagkataon namang may flight si Rey today, kaya siya ang pilot ko papuntang Japan. Sabi ng asawa ko, hindi raw naman niya matitis na malamig ang Valentine’s Day ko. Kahit napakalamig ngayon sa Japan, no problem naman dahil kasama ko ang asawa ko. We will enjoy eating Japanese food at mag-loving-loving doon.”

Biro namin, baka masundan na ang four year-old daughter nilang si Ayesha Zara.

“Hindi po p’wede dahil sinimulan ko na ngang gawin itong bago naming afternoon prime drama series. Okey naman kay Rey ‘yon, ayaw niyang masira ako sa trabaho ko. Kaya tutok po muna ako dito sa aming serye dahil ito ang first-ever advocaserye ng GMA Network tungkol sa HIV na nakakalungkot malaman na ang Pilipinas ang number one na may mga kasong ganito. Part na ako ng advocacy na ito dahil gusto kong i-impart sa mga manonood kung ano talaga ang HIV.

“Hindi po dapat ipagwalang-bahala ng bawat pamilya ang kasong ito dahil sa findings ngayon ang babata pa, 13 – 14 years old, may HIV na. Ito ‘yung nakikipag-sex without protection at too late na para malaman nilang nasalinan sila ng HIV virus. Ten years ago pa, tinawagan na ako para sumali sa advocacy na ito. Tinanggap ko agad ang advocacy na ito lalo ngayon na may asawa at anak na ako at gusto kong malaman kung paano ko i-explain ito sa mag-ama ko at sa family ko, lalo na ang daddy ko na napaka-conservative na akala niya kung ano ang nakikita niya sa TV na role ko, naniniwala siya.”

Marami siyang mahihirap na eksena sa serye, at si Direk Maryo J. delos Reyes ang naalaala niya dahil three taping days din nila itong nakasama. Ilang projects ang nagawa niya under Direk Maryo.

“Pero natutuwa po ako na hindi pa kami ipinalalabas, may mga lumalapit na sa akin sa mga malls at nagpapasalamat sila na gagawin ko itong advocaserye dahil gusto rin nilang matutunan kung totoong hindi nga nakakahawa ang HIV at walang namamatay sa sakit na ito basta aalagaan mo lamang ang sarili mo at susundin mo ang sinasabi ng doctor, tulad noong dapat ay may mga maintenance kang iniinom at dapat maging malakas lagi ang kanilang resistensiya. Ang script po namin ay isinasubmit muna sa Philippine National Aids Council, para i-check nila kung tama ang story namin.”

Para sa kanyang role sa Hindi Ko Kayang Iwan Ka, nagbawas ng 20 lbs si Yasmien — ang resulta ay ang nakikita ngayon sa full trailer ng serye. Pero kapag may HIV na ang character ni Yasmien, kailangan pa niyang mag-lose ng another 15 lbs pa. Tamang-tama raw naman dahil naka-steroids daw siya ngayon for two weeks dahil lumitaw na mayroon pala siyang asthma, kaya stop muna siya sa diet niya.

Sa Monday, February 26 ang pilot episode ngHindi Ko Kayang Iwan Ka. Kasama ni Yasmien sina Mike Tan, Martin del Rosario, Ina Feleo, Chari Pineda, Sharmaine Buencamino, Mike “Pekto” Nacua, Catherine Rem at Ms. Gina Alajar. Gaganap na mga anak nila sina Caprice Cayetano at Sef dela Cruz, mula sa direksiyon ni Neil del Rosario. Mapapanood ito pagkatapos ng The Stepdaughters.