‘Sin Island,’ kuwentong hiwalayan at kaliwaan

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

cOLEEN, xIAN AT Nathalie copy

Ni REGGEE BONOAN

TOTOO nga ang sinabi sa amin ng ABS-CBN executive tungkol kay Nathalie Hart, “Walang kiyeme pala ang babaeng ‘yun, hubad kung hubad, parang si Rosanna Roces noon.”

Napanood namin ang advance screening ng Sin Island sa Dolphy Theater nitong Lunes ng gabi at walang preno si Hart sa love scenes kay Xian Lim. Feeling tuloy namin, parang ang aktor pa ang nahihiya habang kinukunan sila.

Agresibo kasi ang karakter ni Nathalie bilang si Tasha na nagpapalipas ng sama ng loob sa pangangaliwa ng mister niya. Nakilala niya si David (Xian) na brokenhearted naman dahil kinaliwa rin ng asawang si Kanika (Coleen Garcia).

Parehong bigo at malungkot sina David at Tasha kaya may nangyari sa kanila na naulit ng ilang beses. 

Sikat na fashion/wedding photographer si David pero dahil sa pagkakamali ng staff niyang si McCoy de Leon ay nasira ang memory card na naglalaman ng files na ikinasira ng magandang reputasyon niya. Dumating sa punto na idedemanda at hinihingan siya ng P10M for damages at wala siyang choice kundi bayaran ang kliyente.

Na-depress nang husto si David dahil wala nang gustong kumuha sa kanya, kaya naging househusband na lang siya ng international flight attendant na si Kanika. Tinutulungan siya ni Kanika na makabangon at dinadalhan ng kliyente pero tumatanggi si David sa takot na hindi na niya kayang gawin ang trabaho niya.

Dalawang taong jobless si David kaya si Kanika na lang ang nagtatrabaho.Dumating sa punto na nawalan na ng gana ang huli sa asawa at nalamang type siya ng piloto nilang si Stephen (TJ Trinidad) na lagi siyang binibigyan ng regalo, bagay na na-miss niya sa asawa.

Laging magkasama sa flight sina Kanika (Coleen) at Stephen (TJ) at natutukso ang una at pati sa pagtulog ay napapanaginipan niya na may relasyon sila.

Nahuli ni David na palaging magka-text ang asawa at ang piloto nagduda siya at mas lalong naghinala nang makita niyang harapan na nagtitigan sina Kanika at Stephen sa isang dinner.

Nag-away ang mag-asawa at umalis ng bahay si David, tumuloy sa dating staff na si Emong (Thou Reyes) at dahil nagmumukmok ay ibinigay nito ang free accommodation sa Sinilaban Island o Sin Island.

Inakala ni Kanika nang iwan siya ng asawa na malaya na sila ni Stephen na hiwalay na rin sa asawa, pero dahil nu’ng gusto na siyang angkinin ng huli ay umiwas siya at si David (Xian) ang laman ng isip kaya dali-dali niyang sinundan ang huli sa Sin Island.

Ikinaloka ni Kanika nang malaman ang lahat ng mga nangyari kina David at Tasha at obsessed na ang huli sa asawa niya na mala-Fatal Attraction ang dating.

Marami ang makaka-relate na mag-asawa o magkarelasyon sa kuwento ng Sin Island dahil madalas itong nangyayari lalo na sa mayayaman o nasa alta-sosyedad.

Napakaganda ni Coleen sa kabuuan ng pelikula kaya tiyak na proud ng fiancé niyang si Billy Crawford na nanood din sa special screening at hindi naman siguro pinagselosan ang intimate scenes nito kina TJ at Xian.

Ang laki-laki ng katawan ni Xian sa pelikula pero bagay sa kanya, akala tuloy namin ay lalaban siya sa mixed martial arts. Kaya lang, maraming katoto ang nabitin sa aktor dahil hindi man lang daw nagpasilip ng butt o anumang maselang parte ng katawan.

Palabas na ngayong Valentines’ Day ang Sin Island at para sa maiinit na nagmamahalan ay bagay ang pelikulang ito sa inyo pagkatapos ninyong mag-dinner date.

Ang Sin Island ay idinirek ni Gino M. Santosmula sa istorya ni Kriz Gazmen at screenplay ni Keiko Aquino handog ng Star Cinema. Nakakuha ito ng R-16 sa MTRCB.

Nagustuhan namin ang pelikula dahil maayos ang pagkakagawa. Tuluy-tuloy na kaya ang paggawa ng Star Cinema ng mga ganitong klase ng pelikula tulad ng mga pelikulang nagpayaman nang husto sa Seiko Films at Reyna Films?