San Beda College-Taytay, umusad sa MBBLAI 13-U Finals

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

MAGAAN na ginapi ng San Beda College- Taytay ang Team Rich Golden,67-44, para makopo ang unang finals slot kamakailan sa Manila Brotherhood Basketball League Association, Inc. school at club division 13-under class.

Kaagad na dumistansiya ang tropangTaytay ni coach Manu Inigo sa unang yugto pa lang ng bakbakan sa pagposte ng double digit spread at itinala ang halftime score na 38-23 sa malagkit na depensa at madulas na opensa na pumigil sa anumang balak ng Golden Boys na magsagawa ng paghabol sa pamumuno ni Lance Valero.

Tuluyang umarya sa ikatlong frame ang Beda Boys at hindi na nakatikim ng hamon sa karibal para masaklit ang tiket sa kampeonato sa torneong inorganisa ni MBBLAI president/ founder Erick Kirong ng Macway Travel.

Nabigo namang umentra sa kampeonato ang 12-under class ng San Beda College Taytay matapos silang daigin ng Elite Pilipinas ,53-77 sa iba pang bakbakan ng pinangangasiwaan ni Commissioner Benjamin “Boy Quisido.

Sa Sabado, ilalarga ang mga finals event ng lahat ng age category ng MBBLAI sa Trinity University of Asia Gym sa Quezon City din.