Mga nagwagi sa ‘PNP Model Families 2017’

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

Ni PNA

INIHAYAG ng Philippine National Police (PNP) ang limang nagwagi sa “PNP Model Families 2017” sa kasagsagan ng flag-raising ceremony nitong Lunes sa Camp Crame, Quezon City.

Inorganisa ng National Police Commission (Napolcom) ang patimpalak katuwang ang Department of Interior and Local Government (DILG) at iba pang stakeholders.

Sa isang pahayag, sinabi ni PNP spokesperson Chief Supt. John Bulalacao na layunin ng PNP Model Families 2017 na ilarawan ang pulis bilang isang lider at katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad ng mga komunidad.

Samantala, inihayag naman ni Napolcom commissioner at executive officer, Atty. Rogelio Casurao, na ang paghahanap sa mga modelong pamilya ay nagsimula noong 2011.

Ang search committee ay binubuo ng mga miyembro mula sa Foundation for Crime Prevention, Inc. (FCP), Crusade Against Violence (CAV), DILG, at PNP-Directorate for Police Community Relations.

Ang 2017 Most Outstanding Model PNP Family ay sina Insp. Danielo P. Jacosalem at Senior Insp. Rowena Jacosalem at pamilya mula sa Compostela Valley Police na nagpamalas ng pagmamalasakit at kawanggawa sa komunidad.

Si Rowena, nakatalaga sa Women and Children Protection Desk, ay ibinida rin sa “Wish Ko Lang” na umere noong Marso 2017 para sa kanyang hindi matatawarang serbisyo sa mamamayan ng Compostela Valley.

Nakatanggap ang pamilyang Jacosalem ng P150,000 at isang Plaque of Recognition mula sa search committee.

Samantala, pumangalawa naman si SPO4 Dennis A. Juan at kanyang pamilya bilang modelong pamilya, na mula sa Ilocos Norte Police Provincial Office, Police Regional Office (PRO) 1 para sa kanilang malaking kontribusyon sa komunidad at sa kanyang serbisyo sa pulisya.

Ang inisyatibo ng pamilya Juan, ang proyektong “Lingap Pasasalamat”, ay tumutulong sa mga batang nangangailangan simula pa noong 1998 at nagsusulong ito ng positibong epekto sa buhay ng maraming residente sa kanilang komunidad.

Nakatanggap din sila ng P120,000 at Plaque of Recognition. Pumangatlo si Senior Insp. Marvin C. Cajegas at kanyang pamilya mula sa Iligan City Police Station 4, PRO 10.

Aktibo ang pamilya Cajegas sa Simbahan at sa iba’t ibang outreach program sa mga bilangguan at barangay. Nakatanggap sila ng P100,000 at plaque of recognition.

Pang-apat naman si SPO3 Edgardo A. Figuracion II at kanyang pamilya mula sa Zamboanga del Sur Provincial Health Service, PRO 9.

Aktibo naman ang partisipasyon nila sa medical mission ng barangay at sa Simbahan bilang mga boluntaryo.

Para sa ikalimang puwesto, iginawad ang parangal kay Insp. Annie A. Decanom, ng Palauig Municipal Police, at kanyang pamilya, na regular na nangunguna sa feeding at gift-giving program para sa mahihirap na pamilya sa kanilang barangay.

“The annual nationwide search primarily aims to highlight the image of the police as a family-based institution and emphasizes the importance of strong family ties in the overall performance of the police a law enforcer,” saad ni Casurao.