Marco Gumabao, third wheel kina Sue at Arjo

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ni REGGEE BONOAN

HINDI type ng ArSue fans ang bagong love interest ni Sue Ramirez na si Marco Gumabao sa seryeng Hanggang Saan dahil pangalan pa rin ni Paco (Arjo Atayde) ang isinisigaw nila.

Sa episodes ng Hanggang Saan na napapanood namin ay okay umarte si Marco bilang bagong boyfriend ni Sue na hindi namin nakikitaan ng pagkaseloso kapag nakikitang magkasama sina Anna at Paco o baka kasi nasa loob lang ang kulo nito.

Pero sumama na ang loob ng binata nang magkamali si Anna sa pagtawag sa kanya ng Paco pero agad naman siyang inalo ng dalaga at sabay halik.

Pero laging magkikita at magkakasama sina Anna at Paco dahil may nalaman silang sekreto mula kay Yaya Letty (Ces Quesada) tungkol kay Jacob (Ariel Rivera) kaya tiyak na muling magkakalapit ang dalawa.

Hanggang saan kaya mapipigilan nina Anna at Paco ang damdamin nila ngayong may sabit na ang una?

Samantala, may nagsitsit sa amin na hindi dapat si Marco ang third wheel sa love team nina Sue at Arjo, may ibang aktor sanang ipapasok na nang banggitin sa amin kung sino ay nasabi naming kaagad na, “‘Buti na lang si Marco, maayos kausap.”

Abangan ang mga susunod na pangyayari sa Hanggang Saan lalo na ngayong malapit nang mabuking si Jacob sa mga pinaggagawa niya.