Escalante, pinatulog ang Mexican sa 6th round

Filed under Boxing Balita RSS RSS Feed

Ni Gilbert Espeña

MULING umiskor ng impresibong panalo ang tubong Cebu City na si dating International Boxing Association (IBA) super flyweight champion Bruno Escalante matapos talunin via 6th round TKO ang beteranong si Javier Gallo ng Mexico nitong Pebrero 10 sa Cache Creek Casino Resort sa Brooks, California sa United States.

Galing sa pagwawagi sa puntos laban kay dating world rated Alex Rangel ng Mexico noong Nobyembre 17, 2017 sa Reno, Nevada, nakipagsabayan si Escalante kay Gallo bago niya ito napabagsak at tuluyang napatigil sa 6th round.

Napaganda ng 29-anyos na si Escalante ang kanyang kartada sa 16-3-1 na may 7 panalo sa knockouts at umaasang magkakaroon ng rematch sa unang tumalo sa kanya sa puntos na si dating NABF super flyweight titlist Oscar Cantu na isa ring Mexican.