Santiago, POW sa UAAP volley

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

Ni Marivic Awitan

TINANGHAL na ikalawang UAAP Press Corps Player of the Week para sa nakaraang linggo (Pebrero 7-11 ) si Jaja Santiago matapos pangunahan ang National University (NU) Lady Bulldogs sa impresibong 3-0 marka sa UAAP Season 80 women’s volleyball tournament.

Hindi lamang malalaking numero ng 6-foot-5 na si Santiago sa kanilang unang tatlong laro ang naging sandata ng Lady Bulldogs, bagkus ang puso at determinasyon na bumuhay sa kampanya ng koponan.

Nagposte si Santiago ng 26 puntos na kinabibilangan ng 20 kills, apat na blocks at dalawang service aces nang talunin nila ang Ateneo de Manila sa loob ng limang sets, 25-19, 25-19, 20-25, 12-25, 15-7 nitong Miyerkules.

Kasunod nito, umiskor siya ng 23 puntos kontra University of the East (UE), 25-15, 18-25, 25-22, 25-19, nitong Linggo.

Ang team captain ng NU ang ikalawang best scorer ng liga sa kasalukuyan sa kanyang average na 21.7 puntos sa loob ng tatlong laro sa likod ni Cherry Rondina ng University of Santo Tomas na may average na 23.3 puntos.

Tinalo niya para sa lingguhang citation sina Rondina, Jema Galanza ng Adamson at Michelle Cobb ng De La Salle.

Para kay NU coach Babes Castillo, hindi lamang impresibong numero ang ibinibigay sa kanila ni Santiago.

“I think their captain responded right on the dot on what the situation is asking for. The team has to go with the captain. You listen to your captain. Kung ano sinabi ng captain, go with your captain. That’s it,” aniya.