Via Antonio, mapapanood na sa primetime

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ni Reggee Bonoan

MASAYA kami para kay Via Antonio na unang nakilala bilang theater actress at napanood namin sa Ako si Josephine, musical play na hango sa mga awitin ni Yeng Constanino sa PETA noong 2016.

VIA copy copy

Maganda, malinis at powerful ang boses ni Via, kaya tinanong namin siya noon kung may plano siyang pumasok sa showbiz dahil karamihan naman ng mga nagtiteatro ay gusto ring mapanood sa mainstream.

“Opo, kung may offer, why not,” nakangiting sagot niya

Pero may mga nagawa na pala siyang movie na aniya ay under Direk Ruel Bayani tulad ng Paano Na Kaya (2010) nina Kim Chiu at Gerald Anderson, at may malilit siyang role sa One More Try (2012) nina Angel Locsin, Dingdong Dantes, Zanjoe Marudo at Angelica Panganiban, at No Other Woman (2011).

“Puro small roles lang po, either kabarkada, baklang babae, ganu’n po,” kuwento ni Via. “Okay naman po sa akin basta may work at extension lang sa tunay na buhay kasi bubbly po ako, makulit.”

Pero mahaba na ang role ni Via sa seryeng Ikaw Lang Ang Iibigin bilang ka-love team ni Nicco Manalo sa karakter na Olsen na nakakaaliw dahil bagay sila, he-he-he.

Matalik na magkaibigan sina Via at Kim kaya lumalabas sila kapag may oras pero mas hilig nilang mag-workout.

Nakasama na rin si Via sa 2017 Metro Manila Film Festival entry ng Quantum Films na All of You bilang best friend ni Jennylyn Mercado at binigyan siya ng maraming dialog ni Direk Dan Villegas.

Ano ang mas gusto ni Via, teatro, pelikula o serye?

“Magkaiba pong art kasi nae-enjoy ko rin po ‘yung film, nai-enjoy ko rin ang TV and of course, I will always go back to theater po kasi nagpi-feed po siya for my soul in different art form. But at the end of the day, it’s the same kasi acting pa rin,” sagot ng aktrs.

Nang makatsikahan namin si Via bago nagtapos ang 2017, wala pa siyang alam na gagawin for 2018, pero heto Enero pa lang ay may project na kaagad siya. Mapapanood siya sa FPJ’s Ang Probinsyano bilang mahaderang sekretarya ni JC Santos na bagong boss ni Yassi Pressman sa isang advertising/marketing agency.

Napakasipag ng babaeng ito dahil bukod sa acting career ay may online business siya na This Is My Lifestyle shop na kung anu-ano ang ibinibenta at puwedeng bisitahin sa Facebook

“Kasosyo ko po ang future sister-in-law ko.”

Ikakasal na si Via sa Mayo 2018.

At sa mga hindi nakakaalam, ex-girflriend si Via ni JC Santos na boss niya ngayon sa Ang Probinsyano. ‘Kaaliw, di ba, Bossing DMB?

“Ha-ha-ha, matagal na po ‘yun, mga bagets pa kami noon,” natawang sabi ni Via na nagpapasalamat sa Cornerstone Entertainment bilang talent management niya.