Parak utas, kagawad kritikal sa pamamaril

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ni MARY ANN SANTIAGO

Patay ang isang pulis-Maynila habang malubhang nasugatan ang isang barangay kagawad nang pagbabarilin sila sa ulo ng isa sa apat na lalaking magkakaangkas sa dalawang motorsiklo, sa Sta. Cruz, Maynila, nitong Sabado ng gabi.

Kapwa nagtamo ng tig-isang tama ng bala sa ulo sina SPO1 Teodorico Arabe, Jr., 50, nakatalaga sa Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ng Manila Police District (MPD), at taga-Kalimbas Street, Sta. Cruz, na nasawi habang ginagamot sa ospital; at Gimillano Ajon, 50, kagawad ng Barangay 358, Zone 36 anyos, na kritikal sa pagamutan.

Kaagad namang nakatakas ang apat na hindi nakilalang suspek.

Sa imbestigasyon ni SPO4 Milbert Balinggan, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nabatid na dakong 10:30 ng gabi at kapwa nasa panulukan ng Yuseco at Tomas Mapua Streets ang mga biktima nang dumating ang mga suspek at huminto sa kabilang bahagi ng kalsada.

Isa sa mga suspek ang bumaba sa motorsiklo at nilapitan tsaka pinagbabaril ang mga biktima.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang krimen upang matukoy ang motibo at nasa likod ng pamamaril.