Saan ka humuhugot ng iyong kasiyahan?

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

Ni Fr. Anton Pascual

MGA Kapanalig, sinasabing likas na masayahin tayong mga Pilipino. Kahit maraming pagsubok sa buhay, nagagawang ngumiti at makahanap ng makapagpapatawa sa atin.

At hindi naman taliwas dito ang resulta ng survey ng grupong Gallup International na isinagawa mula Oktubre hanggang Disyembre, 2017. Pangatlo tayo sa 55 bansa na masayahin. Tayo umano ang “third-happiest country”, kasunod ng Fiji at Colombia. Ikinatuwa ng administrasyong Duterte ang resulta ng survey ng Gallup, at sinabing titiyakin nitong magiging batayan ng kasiyahan ng mga Pilipino ang mas matatag na ekonomiya, mas maayos na pamamalakad ng pamahalaan, at kapayapaan at katarungan sa ating bayan.

Ngunit kung susuriin ang mga bagay na nagpapabagu-bago sa pagiging masaya ng mga tao, sinabi ng Gallup International na hindi masyadong malaki ang impluwensiya ng lokasyon o bansang tinitirahan nila. Sa madaling salita, hindi dahil nasa Pilipinas ay masaya na, o kung nasa ibang bansa ay malungkot na. Mas malaki umano ang impluwensiya sa pagiging masaya o malungkot ang edad at katayuan sa buhay ng isang tao. Sa 55 bansang kasama sa survey, mas marami ang masaya sa mga respondents na nasa edad 33-pababa, kumpara sa mga nasa edad 55 pataas. Mas marami rin sa mga kumikita nang mas malaki ang nagsabing sila ay masaya, kumpara sa mga taong hindi kalakihan ang kinikita. Kung pagbabasehan naman ang naabot sa pag-aaral, mas marami ang nagsabing masaya sila sa grupo ng mga nakapagtapos ng kolehiyo, at kaunti lamang sa grupo ng mga nakatuntong hanggang elementarya.

Isang aspeto lamang ng pagiging masaya ang nalalaman natin batay sa damdamin ng mga tao, kaya mahalagang tingnan din ang ibang pagsukat ng pagiging masaya ng mga tao. Gaya na lamang ng World Happiness Index na hinango sa karanasan ng bansang Bhutan kung saan mas binibigyan ng bigat ang tinatawag na gross national happiness, na batay naman sa kalidad ng buhay o well-being ng mga tao. At lumitaw sa 2017 World Happiness Report na malayo tayo sa nakamit nating puwesto sa survey ng Gallup International; pang-72 tayo sa ranking ng mga pinakamasasayang bansa kung pagsasama-samahin ang maraming bagay tulad ng ekonomiya, suportang natatanggap sa ating kapwa o social support, kalusugan habang tumatanda, kalayaang magpasya, pagiging mapagbigay ng mga tao, at kawalan ng katiwalian sa pamahalaan.

Ikaw Kapanalig, saan ka humuhugot ng iyong kasiyahan?

Para kay Pope Francis, hindi nabibili ang kasiyahan. “Happiness can’t be bought,” paalala niya sa isang pahayag noong 2014. Kapag binibili raw natin ang kasiyahan, natatanto na lamang nating mabilis itong nawawala. Ang kasiyahang binibili natin ay hindi nagtatagal. Ang kasiyahang nagtatagal, sabi ng Santo Papa, ay ang kasiyahan ng pag-ibig, the happiness of love.

Iniisip mo marahil na mahirap ang iminumungkahi ni Pope Francis. Ngunit gaya ng sinabi niya, “simple lamang ang daan tungo sa pag-ibig: mahalin natin ang Panginoon at mahalin natin ang ating kapwa, mahalin natin ang malalapít sa atin at ang mga nangangailangan ng pagmamahal.” Paano naman daw natin malalamang iniibig natin ang Diyos? “Iniibig natin ang Diyos kung minamahal natin ang ating kapwa, kung walang poot sa ating mga puso.” At ang pinakamabuting halimbawa ay si Hesus, na siyang bukal ng ating kasayahan, ayon nga sa Catholic social teaching naVeritatis Splendor.

Mga Kapanalig, ang tunay na kasiyahan para sa ating mga Katoliko ay hindi lamang nakabatay sa ating edad o kalagayan sa buhay. Lampas din ito sa mga materyal na bagay mula sa ating mga trabaho, sa lagay ng ating kalusugan, o sa serbisyong ibinibigay ng pamahalaan. Sa huli, ang mga tunay na masaya ay iyong mga nakikita ang Diyos sa kanilang kapwa.

Sumainyo ang katotohanan.