Mangingisda duguan sa ligaw na bala

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ni Kate Javier

Sugatan ang isang mangingisda nang tamaan ng ligaw na bala mula sa dalawang grupo ng kalalakihan na nagkagulo sa Navotas City, nitong Biyernes ng gabi.

Hindi na nakabili ng pagkain matapos madaplisan ng bala si Carlito Carillo, 34, ng Barangay NBBS, Navotas City, ayon sa awtoridad.

Base sa inisyal na imbestigasyon, naglalakad si Carillo kasama ang kanyang pinsan sa Phase 2 sa Bgy. NBBS, nang makarinig sila ng dalawang putok ng baril na umano’y nagmula sa dalawang magkaribal na grupo malapit sa kanila, dakong 7:30 ng gabi.

Napansin na lamang ni Carillon na duguan na ang kanyang bukung-bukong. Agad nagsitakas ang mga lalaki sa hindi batid na direksiyon, ayon sa pulis.

Isinugod si Carillo ng kanyang pinsan sa Navotas City Hospital kung saan siya nagpapagaling.

Inaalam na ng awtoridad kung may closed-circuit television (CCTV) camera malapit sa lugar upang malaman ang pagkakakilanlan at maaresto ang mga lalaki.