Ultimate dream ni Kristine, natupad sa piling ni Oyo Boy

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ni REGGEE BONOAN

BIRTHDAY ni Oyo Boy Sotto kahapon kasabay ng 7th wedding anniversary nila ni Kristine Hermosa na nakakatuwa ang mga litrato nilang ipinost sa Facebook account niya para batiin ang ama ng kanyang mga anak.

Oyo at Kristine copy copy

Series of pictures ang ginawa ni Kristine na inumpisahan sa litrato ni Oyo noong bata pa na may caption na, “Sino ang mag-aakala na itong bilugan at kyut na kyut na batang ito…sinundan ng litratong naghahabulan ang dalawa, “ang magbibigay ng kulay at ligaya sa buhay ko…” Ang ikatlong litrato ay kuha ng aktres sa Okay Ka Fairy Ko na ang caption, “pilit ko man labanan at magic-kin… Kasunod ang kuha sa mga kamay nilang dalawa na nakatali at si Oyo na pinalipad ang bisikleta, “ngunit ginapos mo… at nilundag ang puso ko!”

Sumunod na rito ang litrato nang ikasal sila, “at nang dahil sa sobrang pagmamahalan… lubos na kaligayahan sa piling mo…” Sinundan ito ng litratong mala-action star si Oyo, “at higit sa lahat nang dahil sa iyong tapang at dedikasyon… hindi natin namalayan ang mabilis na pagdami ng ating mga bunga (litratong kasama ang apat na anak nila).”

Panghuli ang litratong kunwa’y nagulat si Oyo, “at ito lang ang naging reaksiyon at sagot mo sa lahat ng pangyayaring ito, I Love You! Happy Birthday!”

Sa loob ng pitong taong pagsasama nina Kristine at Oyo bilang mag-asawa ay wala pa kaming nabalitaang nag-away o nagkaroon ng hindi magandang yugto sa buhay nila, dahil tahimik silang namumuhay.

Sabagay, kahit noong magkasintahan pa lang sina Tin at Oyo ay tahimik din at lagi lang nagbibiruan at nagtatawanan kapag nakikita namin kapag may guestings sa ABS-CBN ang una.

Hanggang sa nagpakasal na at hindi na tumanggap ng projects si Kristine dahil mas gusto niyang tutukan ang pamilya.

Lagi niyang sinasabi na pangarap lang naman niyang maging mabuting asawa at nanay ng mga anak nila.

Natupad ang ultimate dream niyang ito sa piling ni Oyo. Kahit nagkakaroon ng project si Kristine kung minsan sa GMA-7 kasama ang asawa, priority niya ang obligasyon bilang nanay at asawa.

Di ba nga, Bossing DMB, puring-puri ni Danica Sotto-Pingris si Kristine na ang linis-linis ng bahay at mga anak kahit wala silang katulong.

Ngayon ay may bagong coffee shop na binuksan ang mag-asawa sa Alabang na sila mismo ang magkatuwang na nag-aasikaso, kahit may ilang staff sila at may litrato pang naglilinis ang mga anak nila ng mesa.

Nakakatuwa si Kristine, hindi inaasahan ng lahat na ‘yung ganda niyang iyon ay marunong siya sa gawaing bahay.

Sa maraming survey ng pinakamagagandang mukha sa showbiz, hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala si Kristine.

Kaya ang bati namin mula sa Balita, happy birthday Oyo at Happy Anniversary na rin sa inyong dalawa ni Tin!