Max at Pancho, postponed muna ang honeymoon

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ni NORA CALDERON

PAGKATAPOS ng engagement nina Max Collins at Pancho Magno noong 2016 na May 2017 na nila isinapubliko, ginanap naman ang Christian wedding rites nila sa Marriot Hotel Manila noong December 11, 2017. Pero hanggang ngayon, wala pang tuwirang honeymoon ang mag-asawa.

Max Collins 4 copy copy

“Pareho po kaming busy bago pa kami ikinasal ni Pancho, kaya saka na muna ang honeymoon,” natawang wika ni Max nang mainterbyu namin sa presscon ng The One That Got Away (TOTGA). “May afternoon prime drama series si Pancho na ginagawa, ang Haplos at ako naman ito ngang TOTGA. Ngayon nga lang natapos si Pancho na maglipat ng mga gamit niya sa bahay ko. Napagkasunduan naming sa place ko na lang lumipat si Pancho habang ipinagagawa niya ang house namin.”

Eere pa lang ang TOTGA sa primetime block ng GMA-7 sa Lunes, Enero 15, so, kailan sila magha-honeymoon?

“Hihintayin na po naming matapos itong series ko, saka na kami magha-honeymoon, gusto naming pumunta sa Europe, sa Italy, Spain, Greece. Kung libre na kami, baka po sa Holy Week.”

Kailan nila balak magkaroon ng anak ni Pancho?

“We both love children, siguro po next year na kami magbi-baby. Gusto muna naming kami pa lang dalawa habang hinahanda namin ang bahay para sa baby.”

Isa si Max sa tatlong ex-girlfriends ni Dennis Trillo, ang dalawa pa ay sina Lovi Poe at Rhian Ramos. Kaya siyempre, hindi sila puwedeng mawalan ng romantic scenes ni Dennis.

“No problem po naman sa amin iyon ni Pancho. Siguro po, mabuti rin iyong pareho kaming actors, naiintindihan namin ang work namin. Saka ako naman po, alam ko kung ano iyong dapat at hindi dapat na gawin ko sa eksena.

“Pero masaya po kami sa set, pare-pareho kaming madaldal nina Lovi at Rhian. Si Dennis, tahimik, tagatawa namin kapag sama-sama kami sa eksena. Masaya kami sa mga comments sa social media na pare-pareho raw kaming may chemistry na kasama si Dennis.”

Si Max ay gaganap bilang Darcy, second girlfriend ni Liam (Dennis), iniwan niya ang boyfriend dahil sa offer to work abroad. Hindi sila naging successful sa long distance love affair at napilitang maghiwalay. Directed by Mark dela Cruz at Conrado Peru, mapapanood ang The One That Got Away pagkatapos ng Kambal Karibal.