5 ex-MARINA employees, 1 pa laglag sa ‘leakage’

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ni MARY ANN SANTIAGO

Anim na katao, kabilang ang limang dating empleyado ng Maritime Industry Authority (MARINA) at ang marketing manager ng isang shipping line, ang inaresto matapos umanong magbenta ng “leakage” para sa marine licensure examination, sa entrapment operation sa Ermita, Maynila kamakalawa.

Hawak na ng Manila Police District (MPD)- General Assignment and Investigation Section (GAIS), ang mga suspek na sina Joemarie Antiquiera, 33, marketing manager ng North Star Training INC., at residente ng 1905B 19th floor Victoria De Manila Castillos Street, Ermita, Maynila; Christian Asistores, 23, ng Norte Rizal, Cagayan, evaluator ng MARINA Surveillance Division at residente ng Cagayan; Julius Maquera, 26, evaluator sa Monitoring Division ng MARINA, at residente ng Cogeo Village, Antipolo City; Malone Morales, 28, evaluator ng MARINA Surveillance Division at residente ng Sta. Mesa, Maynila; John Daniel Miron, 22, information technician sa MARINA at residente ng Kawit, Cavite; at Teodorico Dionisio, 29, information technician sa MARINA at residente ng Balagtas, Bulacan.

Inaresto ang mga suspek matapos ireklamo nina Jobert Francisco, may-ari ng Pipedown Review Center; at Carlito Canlas Bondoc, MARINA examiner.

Ayon kay Police Chief Inspector Joselito Ocampo, hepe ng MPD-GAIS, inaresto ang mga suspek sa entrapment operation sa loob ng Pipedown Review Center, na matatagpuan sa T.M. Kalaw St., sa Ermita, bandang 5:00 ng hapon kamakalawa.

Ayon kay Francisco, inalok siya ni Antiquiera at ng kasamahan nito ng leakage para sa Marine Officer Licensure Examination sa halagang P500,000 noong Enero 10, bandang 3:00 ng hapon.

Sinabihan din umano siya ng suspek na magkita sila kinabukasan upang maisaayos ang kanilang pinag-usapan, ngunit lingid sa suspek na nagsumbong ang biktima sa MPD-GAIS, na agad nagkasa ng operasyon na naging sanhi ng pagkakaaresto ng mga suspek.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Graft and Corrupt Practices in relation to 10635 Rule 4 Section 8.3 ng MARINA law.

Samantala, sa panayam kay Maquera, itinanggi niya na empleyado pa sila ng MARINA dahil nag-expire na ang kanilang Job Order noong Disyembre 31¸at hindi pa ito nire-renew.

Itinanggi rin ni Maquera ang reklamo at wala rin umano silang tinanggap na pera mula sa complainant.