Bulacan: 5 patay, 95 arestado sa anti-drug ops

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Ni FRANCO G. REGALA

CAMP OLIVAS, Pampanga – Limang katao ang patay at 95 drug suspect ang naaresto sa magkakasabay na operasyon ng pulisya sa Bulacan nitong Miyerkules, ayon sa Police Regional Office (PRO)-3.

Ayon kay PRO-3 Director Chief Supt. Amador V. Corpus, nakakumpiska rin ng ilegal na droga, mga baril, at mga bala sa pagsalakay ng awtoridad sa tinaguriang “hot areas” sa Bulacan sa pagitan ng 12:00 ng hatinggabi hanggang 11:59 ng gabi nitong Miyerkules.

Kinilala ang mga napatay na isang alyas “Popeye” at si Arwin Dave Martin y Alvarez, ng San Jose del Monte; si Sonny Pablo Torres, ng Malolos City; si Rommel Mercado y Francisco, ng Santa Maria; at si Christian Abarquez ng Calumpit.

Ibinatay sa report ni Bulacan Police Provincial Office director Senior Supt. Romeo Caramat, sinabi ni Corpus na nagsagawa ang pulisya ng 53 buy-bust operation, tatlong service of arrest warrant, at nagpatupad ng tatlong search warrant. Samantala, nagsagawa rin ng checkpoint at rumesponde ang 23 himpilan ng pulisya sa Bulacan.

Nasamsam umano mula sa mga suspek ang 277 heat-sealed transparent plastic sachet ng shabu na tumitimbang ng 170.949 na gramo, 12 sachet ng marijuana na nasa 21.86 na gramo, siyam na baril, 93 bala, at isang granada.