Pinoy golfer, mapapalaban sa Amateur Open

Filed under Golf Balita RSS RSS Feed

PANGUNGUNAHAN ni Tom Kim ng Korea ang listahan ng mga foreign players na sasabak sa Philippine Amateur Open Golf Championship sa Enero 4 sa Riviera Golf Club’s Couples Course sa Silang, Cavite.

Umabot na sa 116 players, tampok ang 84 sa men’s side, ang nakalista sa torneo. Nagmula ang mga kalahok sa host Philippines, Australia, Hong Kong, India, Japan, Laos, Malaysia, Singapore, Thailand, Vietnam, Canada at US.

Hindi makalalaro si Sadom Kaewkanjana ng Thailand, nagwagi kay Kim ng pitong puntos sa nakalipas na taon kung kaya’t mistulang open ang men’s title.

Sina Paolo Wong at Don Petil galing sa matagumpay na kampanya sa National Doubles Championship, ang itinuturing liyamado sa torneo.

Hindi naman padadaig sina dating champion Rupert Zaragosa, Northern Luzon Regional champion Aidric Chan at Weiwei Gao, gayundin sina Kim Dong Hyun at Lim Su Min ng Korea, Malaysians Muhammad Afif Mohd Fathi and Rhaasrikanesh A/L Kanavathi, at Brandon Han, Donovan Lee, Sean Lee at Jeryl Tan ng Singapore.

Sa women’s side, tampok sina Harmie Constantino, Lois Go, Clare Legaspi, Sofia Legaspi at Junia Gabasa laban sa mga karibal mula sa Canada, Japan, Korea, Malaysia, Thailand at Vietnam.

Inaasahan ding poporma sina The Country Club star Mikha Fortuna, Nicole Abelar, Annika Cedo, Laurea Duque, Annika Guangko, Felicia Medalla, Kayla Nocum at Kristine Torralba.