Ruru, wala pang planong makipagrelasyon, pamilya ang inspirasyon

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ni REGGEE BONOAN

ISA si Ruru Madrid sa mga alaga ng Production 56 Artists na mina-manage ni Direk Maryo J. de los Reyes, na kung hindi pa nagkaroon ng thanksgiving party ang pinakauna niyang talent na si Manila 3rd District Representative Yul Servo Nieto ay hindi namin siya makikilala nang personal.

RURU copy copy

Maingay na ang pangalan ni Ruru lalo’t nanalo siyang Best Actor sa nakaraang 31st PMPC Star Awards for TV para pagganap niya sa karakter ni Ybarro sa Encantadia.

Lubos ang pasasalamat ng baguhang aktor sa lahat ng mga nakasama niya sa programa lalo na sa GMA executives na ipinagkatiwala sa kanya ang karakter na unang ginampanan ni Dingdong Dantes.

Binanggit din ni Ruru ang loyalistang supporters niya na walang sawang umaalalay sa lahat ng projects niya at siyempre ang manager niyang si Direk Maryo.

Kumanta si Ruru sa thanksgiving party at marami ang humanga sa magandang boses niya.

Complete package si Ruru dahil bukod sa magaling umarte, marunong kumanta at maganda pa ang katawan. Sa katunayan, isa siya sa mga hiniyawan ng tao sa katatapos na Bench Under the Stars Fashion Show.

Marami ang nagulat dahil payat noon si Ruru at ngayon ay napakalaki na ng katawan.

“Honestly po, bago mag-start ang Encantadia sinabi po na kailangan kong magpalaki ng katawan kasi ako ang gaganap na Ybarro, kasi nga sobrang payat ko sa height ko na 5’10. Ang weight ko lang ay 130 (lbs) plus, underweight po talaga.

So doon, nagpursige po akong magpalaki ng katawan.

“’Tapos ito pong Bench talagang ibinigay ko ‘yung dugo’t pawis ko sa paggi-gym. Galing ako sa malaki, umabot sa 180 lbs, napag-aralan ko ‘yung Ketogenic Diet, so in one week, 14 lbs po ang nawala, at tuluy-tuloy na kaya ngayon mini-maintain ko ang 155 lbs,” kuwento ng binatang aktor.

Katutuntong lang ni Ruru sa twenty years old nitong Disyembre 4, kaya hindi pa raw niya naisip na rumampa na naka-underwear lang sa Bench pero hindi naman daw niya isinasarado ang pintuan.

Naihahambing si Ruru kay Alden Richards at usap-usapan na next big thing sa GMA-7 at sa katunayan ay sa kanya ibinigay ang Sherlock Jr. project na gagawin sana nito.

“Siyempre po nagpapasalamat ako na sa akin naibigay itong proyektong ito dahil ibinigay ito kay Alden at sa akin na ngayon, eh, malamang na malaking proyekto po ito. Kailangan ko pong pagbutihan at kailangan kong i-prove sa lahat na deserve ko po ‘yung role na ‘yun,” masayang sabi ng binata.

Suportado si Ruru ng AlDub fans.

“Opo, at sa katunayan lahat ng nagtwi-tweets ay puro AlDub at si Alden din po. Kami ni Alden parang magkuya na po kami talaga. Sobrang natutuwa rin siya sa akin na ako ‘yung napili po.”

Of course, maiiwasan ba namang kumustahin kay Ruru ang ka-love team niyang si Gabbi Garcia?

“We’re just close friends po, siguro hindi pa ito ‘yung tamang panahon and kami ay naniniwala naman sa destiny, na kung kami talaga kami talaga. As of now ay marami pa kaming priorities sa buhay na dapat unahin like for example, family namin. Gusto ko ma-settle muna, ibibigay ko kung ano ‘yung mga pangarap nila sa buhay and of course itong soap na ibibigay sa akin, kailangan kong paghandaan talaga. Saka nap o ‘yun (love life), darating din ‘yung tamang panahon.

“Kung may ibang manligaw, wala po akong magagawa. At naniniwala rin naman ako kay Gabbi na siya rin ay may ibang priorities din sa buhay,” maayos na paliwanag ng binata.

Pero bago matapos ang panayam kay Ruru, tinukso siya na may Kapamilya star daw siyang crush na ayaw naman niyang tukuyin kung sino.

“Marami naman po talagang magaganda sa industriyang ito, pero feeling ko talaga hindi pa ito ang tamang panahon, mas masasabi ko po na ang tanging inspirasyon ko ngayon ay ang pamilya ko po at ang mga taong nagmamahal sa akin,” pahayag ng aktor.

Ikinakasa para sa 2018 ang detective seryeng Sherlock Jr. ni Ruru, kaya mag-aaksiyon siya na pinaghahandaan na niya.

Makakasama ni Ruru sa Sherlock Jr. sina Gabbi, Ai Ai de las Alas, Andre Paras, Janine Gutierrez, Kate Valdez, Alyanna Asistio, Sharmaine Arnaiz, Roi Vinzon, Matt Evans at maraming iba pa.