Pinoy champ, nagpatulog ng Hapones

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

Ni Gilbert Espeña

TIYAK ang pag-angat sa world rankings ni OPBF bantamweight champion Mark John Yap ng Pilipinas makaraang mapatulog si Japanese challenger Seizo Kono eksaktong 2:44 ng 10th round kamakalawa ng gabi sa EDION Arena, Osaka, Japan.

Ito ang ikalawang matagumpay na depensa ni Yap mula nang matamo ang OPBF title noong Nobyembre 11, 2016 nang patulugin niya sa 5th round si Takahiro Yamamoto sa Central Gym, Kobe, Japan.

Sa kanyang unang depensa, dalawang beses bumagsak si Yap pero nakarekober at pinatulog ang matagal na Japanese bantamweight titlist na si Kentaro Masuda noong Hulyo 30, 2017.

Sa kanyang ikasiyam na sunod na panalo sa Japan, tiyak na aangat si Yap sa world rankings kung saan nakalista siyang No. 6 kay WBC bantamweight titlist Luis Nery ng Mexico at No. 8 kay IBF champion 118 pounds titlist Ryan Burnett ng United Kingdom.

Napaganda ni Yap ang kanyang rekord sa 28-11-0 na may 14 panalo sa knockouts.