Mangingisda inatado, iniwan sa kalsada

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ni Orly L. Barcala

Nakahandusay sa gilid ng kalsada ang bangkay ng isang mangingisda na bukod sa tadtad ng saksak ang katawan, sinabitan pa ito ng karatula sa leeg sa Navotas City kahapon.

Nadiskubre ng mga tricycle driver ang bangkay ni Bonifacio Bohol, 27, sa gilid ng kalsada sa Area 1, Block 26, Barangay NBBS ng nasabing lungsod, dakong 2:00 ng madaling araw.

Mababasa sa karatulang isinabit sa biktima ang mga katagang, “Magnanakaw ako, huwag tularan”.

Sa pahayag ni Rose Ann Baldomero, kapatid ni Bonifacio, hindi magnanakaw ang biktima at lalong hindi ito gumagamit ng ilegal na droga.

Inamin ni Rose Ann na makulit ang nakababatang kapatid kapag ito ay nalalasing.

“Hindi magandang makainom ang kapatid ko, pero hindi ‘yan magnanakaw. Kung sino man ang may kagagawan sa pagkamatay n’ya, makonsensiya naman kayo,” ani Rose Ann.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.