Binatilyo sinalvage, itinapon sa liblib

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Ni Erwin Beleo

SAN FERNANDO CITY, La Union – Isang 17-anyos na lalaki ang sinalvage at itinapon ang bangkay—na nakagapos ng packaging tape ang mukha at mga kamay—sa pinakaliblib na Barangay Abut sa San Fernando City, La Union nitong Martes.

Kinilala ni Senior Insp. Antonio Marzan, hepe ng Station Investigation and Detection Management Section ng San Fernando City Police, ang biktimang si Aprille H. Pejo, 17, out-of-school, at residente ng Purok 9, Barangay Sevilla.

Ayon sa imbestigasyon, dakong 7:00 ng umaga kahapon at naglalakad ang residenteng si Romeo Laudencia, 35, nang matagpuan niya ang bangkay ng binatilyo, na kaagad niyang ini-report sa mga awtoridad.

Base sa paunang imbestigasyon, posibleng dinukot si Pejo ng mga suspek mula sa plaza, isinakay sa sasakyan, iginapos, bago dinala sa Bgy. Abut at doon pinatay.

Nabatid din na sangkot ang binatilyo sa ilang nakawan sa siyudad, at posibleng isa sa mga kasamahan ni Johnver Valdez, 17, na sinalvage rin sa Bgy. Calabugao sa lungsod, noong Hulyo 9, 2017.