Aktor na ‘di nag-i-improve ang acting, pinakawalan ng network

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

NI Reggee Bonoan

HINDI na pinigilan ng TV executives ang isang aktor na lumipat ng TV network dahil wala silang maibigay na proyekto sa kanya.

Wala kaming nakitang panghihinayang sa kausap naming TV executive.

“Wala naman kasing iba sa kanya, hindi nag-level up ang acting. Hindi naman puro mukha lang sa industriya, Reggee,” sabi niya.

Ilang beses ding binigyan ng magandang project ang aktor, at totoo ngang hindi nag-i-improve ang acting bukod pa sa may attitude.

“Mabait naman, bumabati, pero parang wala sa konsentrasyon, masyadong in love kasi sa girlfriend niya, ha-ha-ha,” sabi pa ng exec sa amin.

Oo nga, super-in love sa girlfriend ang aktor kaya naapektuhan ang career. Ganito rin ang nagiging sakit niya kapag may karelasyon, nawawalan ng focus. O, naka-focus na lang sa girlalu.

“Dapat gawin niyang inspirasyon ang girlfriend niya para magpursige sa work,” sabi pa ng TV exec.

Ilang taon na ring walang project sa inalisang network ang aktor, pero ngayong nasa ibang TV network na siya ay baka pagbutihin na niya ang trabaho dahil mukhang huling baraha na niya ito. Hindi na siya bata para mamili ng projects at magpatumpik-tumpik sa rami ng mga baguhang mahuhusay umarte.