4 na dalagita kinidnap, ginawang sex slaves

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Ni LIEZLE BASA IÑIGO

Apat na menor de edad na dinukot ng hindi kilalang lalaki na sakay sa van ang ilang araw na binihag at paulit-ulit umanong ginahasa sa Gattaran, Cagayan.

Ayon sa report mula sa Police Regional Office (PRO)-2, napag-alaman na dalawang babaeng estudyante, na kapwa 15 anyos at taga-Barangay Lapogan, ang naglalakad pauwi nang alukin ng sakay ng mga lalaki na lulan sa isang berdeng van noong gabi ng Nobyembre 28 sa Bgy. Centro Sur, Gattaran.

Dahil nakitang may dalawa pang dalagita sa loob ng van, tinanggap ng dalawang estudyante ang alok na libreng sakay sa van.

Base sa salaysay sa pulisya ng dalawa sa mga biktima, nagulat na lang umano sila nang makaramdam sila ng pagkahilo at sobrang antok, hanggang sa mapagtanto nilang hindi sila ibinaba ng mga suspek sa kani-kanilang bahay.

Sa halip, sinabi ng dalawang biktima na nang magising ay nabatid nilang dinala sila ng mga suspek sa isang bahay na gawa sa kawayan.

Batay pa rin sa salaysay ng mga dalagita, nakumpirma nilang ginahasa sila ng mga suspek sa magkakahiwalay na kuwarto sa nasabing bahay at pawang hubo’t hubad sila na ikinandado sa mga silid.

Ang isa sa mga biktima, na kabilang sa dalawang nagsumbong sa pulisya, ay itinago sa closet.

Kuwento ng biktimang itinago sa closet, dalawang beses pa siyang ginahasa nitong Nobyembre 29 at muling ikinulong.

Nabatid na ikinulong sa nasabing bahay ang apat na dalagita sa loob ng apat na araw, o simula Nobyembre 28 hanggang Disyembre 2, hanggang muli umanong isakay sa berdeng van.

Ayon sa report ng pulisya, ang dalawang nagsuplong ay ibinaba malapit sa Don Mariano Marcos National High School at binantaang papatayin kung magsusumbong sa pulis. Ang isa ay nanatili sa loob ng van, habang ang isa ay tinangay ng isa sa mga suspek.

Kaagad namang nagtungo sa pagamutan ang dalawang estudyante para sa medico legal, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya.