‘Do-or-die’ ng NCAA juniors sa Biyernes

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

Ni: Marivic Awitan

NAUNSIYAMI ang pinakahihintay na winner -take-all Game 3 ng NCAA Season 93 juniors basketball finals series sa pagitan ng defending champion Mapua at CSB-La Salle Greenhills nang iurong sa Biyernes ang nakatakda sanang laro ngayon sa Araneta Coliseum.

Idaraos na ang rubbermatch sa Nobyembre 24 sa Filoil Flying V Center sa San Juan City base sa inilabas na advisory ni NCAA Management Committee chairman Fr. Glynn Ortega OAR ng season host San Sebastian College.

Naitakda ang nasabing do-or-die game matapos itabla ng Red Robins sa 1-1 ang serye sa pamamagitan ng 91-81, panalo noong Game 2.

Sinamantala ng Red Robins ang pagkawala ni Junior Blazers power forward at Rookie of the Year Inand Fornilos na napatawan ng 1-game suspension at naging matatag sa maagang pagkawala ni season MVP Will Gozum noong Game 2 upang makapuwersa ng Game 3.

Kumikig sina Clint Escamis at Erick Jabel para maipanalo ang Red Robins.

Nakatakda ang laro ganap na 3:00 ng hapon.