Dingdong at Marian, ‘di pa puwedeng magtambal sa serye

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ni NORA CALDERON

BUKAS ang simula ng finale week ng action-drama series ni Dingdong Dantes na nagpapasalamat sa lahat ng sumusubaybay gabi-gabi sa Alyas Robin Hood.

Marian at Dingdong copy

“Nagpapasalamat kami sa GMA Network dahil bukod sa regular one season ng serye, na-extend pa kami ng another three weeks,” sabi ni Dingdong. “Kaya sana huwag bibitiw ang mga sumusubaybay sa amin sa mas magagandang eksenang ibibigay namin sa kanila sa linggong ito. May mga sorpresa kami sa mga susunod na eksena, na alam naming gusto ninyong mapanood.”

Ayaw mag-preempt si Dingdong kung ano ba iyong mga sorpresa nila, sa action-drama na dinidirek ni Dominic Zapata. Nagbiro siya kung gusto raw ba naming ikasal sina Frida at Jun Jun, iyong dalawang assistant ni Venus (Andrea Torres) sa serye na kinagigiliwan din ang pagkukulitan ng dalawa sa mga eksena kahit nasa gitna na ng panganib ang mga bida, lalo na si Alyas Robin Hood.

Natanong si Dingdong kung ano ang susunod niyang project sa GMA-7. Marami ang nagri-request na sana ay magkaroon na sila ng project ni Marian na magkasama.

“Mahirap po na magkasama kami sa isang project dahil hindi kami p’wedeng mawala sa bahay nang sabay dahil kay Zia.

Kailangan isa sa amin ang kasama niya. Siguro, pwede kung sitcom ang gagawin namin, once a week kaya one day taping lamang.”

Nabanggit si Zia, malapit na ang second birthday ng kanilang unica hija, sa November 23. Saan ang party?

“Wala kaming plano ni Yan sa birthday niya. Siguro kami lang ang magkakasama, gusto namin kung saan siya masaya, masaya na kami sa kanya. Siguro tatanungin na lamang namin siya sa birthday niya kung saan niya gustong pumunta.

Nakakatuwa na iyong anak namin, matatas nang magsalita, madaldal at makulit na, kaya hindi talaga siya pwedeng pabayaan sa bahay, kung saan-saan pumupunta sa loob ng bahay. Pagdating ko sa bahay, tinatanong ko siya kung ano ang ginawa niya maghapon, sagot siya agad, ikinukuwento kung ano ang ginawa niya. Hindi namin siya ini-spoil, kung dapat siyang sawayin, sinasaway namin, pero mabait ang anak namin.”

Wala raw nang-iispoil sa kanila kay Zia, natawa si Dingdong kung totoong ang pagkama-PR ni Zia ay sa kanya namana.

Pero ang paarte-arte raw ng anak, minana kay Marian. Alam din daw ni Zia kung manonood siya ng Super Maam ng ina dahil nakikita nito ang teaser at hindi na siya nanonood kung hindi siya puwede. ‘Tatay,’ ‘Daddy’ ang tawag sa kanya ni Zia, sa ina, ‘Mama’ naman. This coming Christmas, hindi muna sila aalis na mag-anak, siguro raw sa February 2018 na, pagkatapos ng Super Maam ni Marian. How about ang susunod nilang baby, sana nga raw magkaroon na sila next year.

Magri-resume si Dingdong ng shooting ng movie nila ni Anne Curtis for Viva Films, ngayong nakabalik na ang bagong kasal kay Erwan mula New Zealand.