Mag-utol kulong sa dirty finger, panununtok sa tanod

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ni: Orly L. Barcala

Sa selda ang bagsak ng magkapatid na lalaki, na kapwa nasa impluwensiya ng alak, matapos umanong bastusin at saktan ang isa sa mga rumespondeng barangay tanod sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Kasong Assault Upon Agent of a Person Authority (2 counts) at Threats ang isinampa laban kina Joserick, 21; at Prince Charles Parungao, 20, kapwa ng Sitio Kabatuhan, Barangay Gen. T. De Leon ng nasabing lungsod.

Sa pahayag ng mga barangay tanod na sina Ronnie Bartolome at Bonifacio Castro kay SPO4 Ronald Bautista, isang commuter ang nagpunta sa kanilang barangay hall sa Bgy. Ugong, upang ireklamo ang lalaking nakaharang sa kalsada sa Que Grande Street sa nasabing barangay, dakong 1:00 ng madaling araw.

Sa pagresponde ng mga tanod, wala na ang sinasabing lalaki na nakaharang sa kalsada.

Makalipas ang ilang sandali, lumabas ang magkapatid at nag-dirty finger sa mga tanod.

Dahil dito, nilapitan nila ang mag-utol, ngunit sinuntok umano ni Prince Charles si Castro kaya napilitan silang dalhin sa barangay hall ang dalawa.