Kar 6:1-11 ● Slm 82 ● Lc 17:11-19

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

Habang papunta si Jesus sa Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Samaria sa Galilea. At pagpasok niya sa isang nayon, may sampung lalaking may ketong ang lumabas para salubungin siya. Tumayo ang mga ito sa malayo at tumawag nang malakas: “Jesus, Guro, maawa ka sa amin.” At sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Umalis kayo at humarap sa mga pari.”

At nangyari na gumaling sila habang naglalakad. Isa sa kanila ang agad na nagbalik nang makita niyang gumaling siya, at pasigaw niyang pinuri ang Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus, sa pagpapasalamat sa kanya. Isa siyang Samaritano.

Kaya sinabi ni Jesus: “Di ba’t sampu ang gumaling? Nasaan ang siyam? Wala bang bumalik para magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Tumayo ka, iniligtas ka ng iyong pananampalataya.”

PAGSASADIWA:

Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus, sa pagpapasalamat sa kanya.—Wika ng isang manunulat, “Ang pasasalamat ay alaala ng puso.” Totoo nga naman, kapag ang puso ay nakakaalala, ito ay nagpapasalamat.

Sa ebanghelyo, isa sa mga ketonging pinagaling ni Jesus (isang Samaritano) ay bumalik upang magpasalamat. Ang siyam ay hindi na nagbalik. Sila ay mga Judio na ang inisip ay karapatan nilang mapagaling. Ang mga taong nakadarama ng biyaya ng Diyos bilang handog ay palaging nagpapasalamat. Hindi man marapat ay tumatanggap ng kaloob kaya’t laging lumilingon sa kabutihan ng Diyos. Taglay nila ang pusong mapagpasalamat. Katulad sila ng Mahal na Birhen. Kay Maria ay nagtatagpo ang alaala at pasasalamat.