Baguhang aktor, ‘di makakarating sa paroronan

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ni REGGEE BONOAN

ANG hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan. 

Ito ang angkop na kasabihan para mga taong walang utang na loob lalo na sa industriya ng showbiz.
 
Ito ang bagay na ipayo sa baguhang aktor na nakilala dahil sa napakagandang project na ibinigay sa kanya ng isang movie outfit na nagbigay sa kanya ng karangalan, movie projects sa ibang kumpanya, bukod pa sa TV project at commercials.

May naunang commitment ang baguhang aktor at sa katunayan ay nakagawa na siya ng teaser sa proyektong nabili na ng isang film/TV producer.
 
Pero bigla siyang umurong sa gagawing proyekto dahil tinanggap niya ang isang TV project na hindi naman kalakihan ang papel kundi hinabol lang niya ang mas malalaking artistang makakasama niya.
 
Nagbigay ng mababaw na dahilan ng baguhang aktor at manager nito kaya hindi na nila magagawa ang naunang tinanguang project kaya ang sumama ang loob ng mga taong nakadiskubre sa kanya at tumulong para mapansin siya. 

Dati na palang nag-audition sa kilalang TV network ang baguhang aktor pero hindi siya nakakapasa dahil wala naman siyang dating. 

At ang masama pa, kapag tinatawagan ang baguhang aktor ng staff ng mga taong tumulong sa kanya ay hindi niya sinasagot ang tawag. Pati ang direktor na unang naniwala sa kanya ay pinagtaguan niya nang mag-abot sila sa sa isang parlor kaso nabuking kasi idinaldal ng mga hairstylist na sa ibang pinto dumaan para hindi magkita, ha-ha-ha, nakakaaliw.
 
Kaya abangan natin, Bossing DMB kung hanggang saan o ilang kanto ang mararating ng baguhang aktor na hindi marunong lumingon sa mga taong nakatulong.