Mag-asawang rider pisak sa truck

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Pisak ang isang magka-live-in nang magulungan sila ng truck matapos na sumemplang ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Sampaloc, Maynila, nitong Linggo.

Kapwa dead on the spot sina Romulo Hernandez, 51; at Julie Rosero Guina, 47, parehong nasa hustong gulang at taga-La Forteza Subdivision, Camarin, Caloocan City, habang arestado naman ang suspek na si Miguel Sibayan Jr., 38, ng Upper Buhangin, Sitio Tagbak, Barangay San Jose, Antipolo City, Rizal.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Jun-Jun Jasminez, ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila Police District (MPD), dakong 2:00 ng hapon nang mangyari ang aksidente sa Dimasalang Street, kanto ng Maceda Street sa Sampaloc.

Kagagaling lang umano ng mga biktima sa Divisoria at pauwi na sakay ng motorsiklo (UC-9870) nang pagsapit sa naturang lugar ay mapahinto sila dahil sa red light.

Nang muli umanong sumignal ng go ang traffic light ay pinaandar na ni Hernandez ang motorsiklo ngunit hindi nakapagbalanse ang angkas niyang si Guina kaya tumagilid pakaliwa ang sasakyan hanggang tuluyang sumemplang.

Minalas namang magulungan ng hulihang kanang gulong ng kasabay nilang truck (ACZ-6038) ang mag-asawa, na kaagad na ikinasawi ng mga ito.

Kusang loob namang sumuko si Sibayan, na nahaharap sa reckless imprudence resulting in double homicide at damage to property. – Mary Ann Santiago