Sasakyan tinangay sa panloloob

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

TARLAC CITY – Sinalisihan ng mga hindi nakilalang armado ang isang ginang sa tinutuluyan nitong apartment at tinangay ang ilang electronic gadgets at ang nakaparadang Toyota Innova sa Victoriano Street, Barangay San Sebastian, Tarlac City, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ni PO3 Joey Agnes ang biktimang si Maria Josielyn Tanglao, 51, ng nasabing lugar.

Natangay ng mga suspek ang iba’t ibang uri ng alahas, Lenovo tablet 2, Samsung Note 4 cell phone, at limang laptop computer.

Bukod dito, tinangay din ng mga armado ang Innova na nakaparada sa tapat ng apartment ni Tanglao.

Napag-alaman na nagtungo ang biktima sa Tarlac Recreational Park sa San Jose, at nang umuwi ay nadatnan niyang bukas na ang pintuan ng apartment hanggang sa mapagtantong nanakawan siya. – Leandro Alborote