Patay na bata sa talahiban

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

TANAUAN CITY, Batangas- Natagpuang patay ang isang anim na taong gulang na bata sa talahiban sa Purok 2, Barangay Talaga, Tanauan City, Batangas, nitong Sabado.

Kinilala ang biktimang Kate Chloe Delos Reyes, mag-aaral sa Grade 1, at residente ng nasabing lugar.

Bandang 3:00 ng hapon nitong Biyernes nang magpunta ang bata sa bahay ng kapitbahay na si Lorna Balcuba upang maglaro at manood ng TV, ngunit hindi na ito nakabalik.

Hinanap ang bata ng kanyang mga magulang sa bahay ni Balcuba, ngunit umalis na umano ang paslit dahil inaantok ito.

Humingi sila ng tulong sa mga kapitbahay, hanggang sa matagpuan ni Albert Agrao Delos Reyes, pinsan ng biktima, ang bangkay ng bata sa talahiban bandang 4:30 ng hapon nitong Sabado.

Hinihintay ng pulisya ang resulta ng awtopsiya upang matukoy ang sanhi ng ikinamatay ng biktima, habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente. – Danny J. Estacio