Metro Manila, kabilang sa ‘worst cities’

Filed under Dagdag Balita Balita RSS RSS Feed

Ni: Beth Camia

Pumangatlo ang Metro Manila sa “worst cities” sa Asia kung saan naitatala ang pinakamahabang oras na iginugugol ng mga tao sa lansangan dahil masikip na daloy ng trapiko.

Lumutang sa survey na kinomisyon ng ride-sharing company na Uber, na 66 na minuto ang karaniwang pinakamahabang oras na iginugugol ng mga tao sa Metro Manila sa tuwing maiipit sa trapiko.

Ikatlong pinakamalala ito na sinusundan ang nangungunang Bangkok, Thailand (72 minuto), at Jakarta, Indonesia (68 minuto).

Nasa likuran naman ng Metro Manila ang Hanoi, Vietnam (58 minuto), at Kuala Lumpur, Malaysia (53 minuto.).

Isinama rin sa survey ang average time sa paghahanap ng parking o pagpaparadahan ng sasakyan.

Muling nakasama ang Metro Manila sa ikaapat na puwesto, kapantay ang Bangkok, sa average time na 24 na minuto.

Nanguguna naman ang Hanoi at Ho Chi Minh sa Vietnam na may 45 at 31 minuto, at sinusundan ng Hong Kong at Kuala, Lumpur sa ikatlong puwesto, na may 25 minuto.

Ayon sa Uber, naiipit ang mga residente sa Metro Manila ng 402 oras kada taon o aabot sa 25 araw kung susumahin.

Lumalabas sa survey na apat sa limang sasakyan ang nahuhuli sa mga importanteng okasyon. Nangunguna rito ang appointment sa doktor at job interviews.