8 tiklo sa estafa, robbery-extortion

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ni: Bella Gamotea

Hindi na nga nabayaran ang P1.3 milyon utang sa isang negosyante, sapilitan pang humingi ng karagdagang P200,000 ang walong tindera na naging dahilan ng kanilang pagkakaaresto sa entrapment operation sa isang fast food chain sa Pateros, kahapon ng madaling araw.

Iniimbestigahan sa Pateros Police sina Luz Ulila y Luching, Mercedita Mina y Manansala, Loreine Baterna y Osias, Zenaida Manipon y Cabildo, Zibeth Aquino y Picazio, Gloria Portodo y Primo, Angie Suarez y Jalbuna, at Elizabeth Aquino y Picazio, pawang nasa hustong gulang, dahil sa kahaharaping estafa at robbery-extortion.

Ayaw namang magpabanggit ng pangalan ng lalaking negosyante na nabiktima ng mga suspek.

Sa inisyal na ulat ng Pateros Police, isinagawa ng mga pulis ang entrapment sa isang fast food restaurant sa Barangay San Roque, pasado 2:00 ng umaga.

Matapos tanggapin ang P200,000 cash mula sa biktima ay pinagdadampot na ng mga pulis ang walong suspek.

Batay sa reklamo ng negosyante, umutang sa kanya ng P1,300,000 ang walo para sa puhunan ng kanilang sari-sari store subalit nang singilin niya ang mga ito ay hindi na umano makabayad.

At sa halip na magbayad, humirit pa ng P200,000 ang mga suspek at nagbantang hindi ibabalik ang P1.3 milyon ng biktima kapag hindi naibigay ang huling halagang hinihingi nila.