Protege ni Marwan dinakma sa Maguindanao

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Ni: Fer Taboy

Naaresto kahapon ng militar at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Maguindanao ang isang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), na dating nagsanay sa ilalim ng napaslang na Malaysian terrorist na si Zulkifli bin Hir, alyas Marwan.

Ayon sa report ng Maguindanao Police Provincial Office, kinilala ang nadakip na si Madalih Abdulla, na nakumpiskahan ng isang granada at isang .45 caliber pistol.

Nahuli si Abdulla ng mga tauhan ng militar at MILF matapos makatanggap ng impormasyon na makikipagkita ito sa isang hindi natukoy na tao, sa isang restaurant sa bayan ng Datu Salibo.

Ayon sa militar, target umano ni Abdulla ang mga sundalo.

Matatandaang nasawi si Marwan sa operasyon ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015, na nagresulta ng pagkakamatay ng 44 sa SAF.