Pedophile huli sa akto sa entrapment

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ni: Bella Gamotea

Arestado ang isang pedophile habang nasagip ang isang babaeng Grade 9 student sa entrapment operation ng Makati City Police sa condominium sa lungsod, nitong Miyerkules ng hapon.

Kinilala ni Senior Supt. Gerardo Umayao, hepe ng Makati City Police, ang suspek na si Elias Cosme y Umale, nasa hustong gulang, ng No. 5942 Gloria Street, Barangay Poblacion ng nasabing lungsod.

Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), nagsagawa ng entrapment operation ang mga tauhan ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) at follow-up operation ang Anti-Carnapping Unit at Intelligence Unit, sa pangunguna ni Chief Insp. Roman Salazar, Jr., at Makati City Social Welfare and Development sa 36F One Central Condominium, sa panulukan ng Sen. Gil Puyat Avenue at H.V. Dela Costa Street, Salcedo Village, Makati City.

Hindi na nakapalag si Cosme nang posasan siya ng mga pulis sa loob ng nasabing condo unit matapos madatnan at masagip sa umano’y child exploitation ang menor de edad na itinago sa pangalang Jane, 15.

Ni-recruit umano ng suspek ang dalagita at dinala sa condo unit bago kinunan ng litrato habang hubo’t hubad.

Sinasabing modus ni Cosme na maghanap at mag-recruit ng mga menor de edad upang kunan nang nakahubad.

Sasampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 8353 in relation to RA 7610.