NU Spikers, lumapit sa PVL title

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

Ni: Marivic Awitan

Mga laro bukas
(Fil Oil Flying V Center)
11 n.u. — NU vs UST (men’s)
1 n.h. — Ateneo vs FEU (men’s)
4 n.h. — Adamson vs Arellano (women’s)
6:30 n.g. — NU vs FEU (women’s)

BUMALIKWAS ang National University mula sa natamong kabiguan sa second set at nakalusot sa dikdikang pagtatapos ng fourth set upang mapataob ang Far Eastern University 25-22, 21-25, 25-18. 26-24 nitong Miyerkules para makalapit sa target na titulo ng Premier Volleyball League (PVL) Collegiate Conference women’s division sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.

Nabitiwan ng Lady Bulldogs ang apat na puntos na kalamangan sa pagtatapos ng fourth set nang itabla ng Lady Tamaraws ang laro sa 24-all.

Ngunit, ang FEU din ang bumigay sa huli matapos magbigay ng dalawang regalong puntos mula sa service error at outside hit para pormal na makopo ng Lady Bulldogs ang panalo.

Nanguna si Jaja Santiago sa nasabing panalo sa itinala nitong 23 puntos na kinabibilangan ng 15 attack points at apat na blocks at dalawang aces.

Tatangkain ng NU na makamit na ang titulo ngayong Sabado sa Game 2.

Nauna rito, ginapi ng Arellano University ang Adamson University ,25-23, 26-24, 25-14 sa opener ng sarili nilang best-of-three series for third.

Umiskor si skipper Jovielyn Prado ng 18 puntos upang pangunahan ang pagpapayukod sa Lady Falcons.