Makabagong Bicol Express, sandigan ng kaunlaran

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

Ni: Johnny Dayang

ANG inaasintang muling pag-usad sa 2022 ng modernong Bicol Express ng Philippine National Railways (PNR) na mag-uugnay sa Manila at Matnog, Sorsogon ay inaasahang bubuhay muli sa maginhawa at romantikong paglalakbay sa 653 kilometrong kahabaan nito, bukod sa kaunlarang idudulot nito sa bansa.

Masiglang ginugunita ng mga nakatatandang Bicolano at taga-Timog Katagalugan ang kanilang romantikong paglalakbay lulan sa Bicol Express noong mga estudyante pa sila kahit nag-aaral sa Kamaynilaan. Lampas pa minsan sa 12 oras ang biyahe hanggang Legazpi ngunit sulit ang pagod nila sa biyahe sa kagandahan ng mga tanawin sa ruta nito.

Binalangkas at ipinanukala ng Bicol Regional Development Council, sa pamumuno ni dating three-term Albay governor at ngayo’y Rep. Joey Salceda, ang muling pagbuhay sa PNR South Line. Inaprubahan ito ng NEDA at bahagi na ngayon ng malawaging “Build Build Build” infrastructure program ng administrasyong Duterte. May kabuuang P299.4 bilyong budget na ito at paglalanan pa ng ayudang pondo mula China sa ilalim ng isang kasunduang lalagdaan sa idaraos na ASEAN Summit dito sa Pilipinas sa Nobyembre ngayong taon.

Ayon kay Salceda, pag-uugnayin ng modernong Bicol Express ang mga airport, seaport at sentro ng kalakalan sa Maynila at Kabikulan at mga dadaanan nito kaya magsisilbi itong sandigan ng kaunlaran. Magiging higit na maginhawa rin at mga anim na oras na lamang ang biyahe sa kahabaan nito. Mapapabilis din nito ang biyahe patungo sa Kabisayaan sa pamamagitan ng mga RORO ports sa Sorsogon at makatutulong para maibsan ang matinding traffic problem sa Kamaynilaan.

Kapag umadar na ito sa 2022, lalo nitong paaangatin mga industriya, kasama ang turismo sa Kabikulan at Timog Katagalugan, dagdad ni Salceda.

ZERO EJK. Nagkakaisa ang mga peryodista, na ang sinasabing ZERO “extrajudicial killings (EJK),” sa ilalim ng administrasyon ay isa na namang malupit na biro. … Ang pahayag ay batay sa AO 35 ni dating Pangulong Noynoy Aquino na ang pakahulugan sa EJK ay pagpatay ng mga tauhan ng estado sa biktima na “member of, or affiliated with an organization, to include political, environmental, agrarian, labor or similar causes or an advocate of such causes or media practitioner or person apparently mistaken or identified to be so.”

Tiyak na si Kian Delos Santos at marami pang iba ay hindi mabibilang na biktima ng EJK sa ilalim ng naturang malisyosong pakakahulugan. Sa tuwid na salita, ang EJK ay pagpatay sa sinuman ng mga tauhan ng estado sa labas ng lehitimong komprontasyon at walang kautusan ang korte.