3 magbabarkada niratrat sa inuman

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ni: Jun Fabon

Pinagbabaril hanggang sa namatay ang tatlong magbabarkada habang nag-iinuman sa Quezon City, bago maghatinggabi kahapon.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Charlie Roxas, Jr., 37, ng No. 133 Premium Ext., Barangay Sangandaan, Quezon City; Jimbo Laruco, 29, ng No. 72-219 Insurance Street, Bgy. Sangandaan; at Joel Inocencio, 38, ng No. 131 Premium Ext., Bgy. Sangandaan.

Sa report ni PO3 Elirio Wanawan, ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), naganap ang pamamaril sa tapat ng bahay ni Roxas, dakong 11:30 ng gabi.

Nag-iinuman ang mga biktima nang sumulpot ang limang armadong lalaki at pinagbabaril ang magkakabarkda.

Nang masigurong patay na ang mga biktima, mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa dulo ng Insurance Ext. ng nasabing barangay.

Aabot sa 15 basyo ng bala ng baril ang nakuha sa pinangyarihan.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.