Mt. Province mayor sugatan sa magnanakaw

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Ni FER TABOY

Inihayag kahapon ng pulisya na sugatan sa pananaksak ang isang alkalde ng Mountain Province matapos na tangkaing nakawin ng isang grupo ng kalalakihan ang perang katatapos lamang niyang ipa-encash sa isang bangko sa Santiago City, Isabela, nitong Martes ng umaga.

Batay sa imbestigasyon ng Santiago City Police, nabigo ang mga suspek na makuha ang P6,000 na katatapos lang ipa-encash ni Paracelis Mayor Avelino Amangyen.

Nabatid na nasa parking lot si Amangyen at kalalabas lang sa bangko nang biglang sumulpot ang riding-in-tandem at pinagsasaksak ang alkalde.

Nagtamo ng tama sa dibdib at tagiliran si Amangyen, na nagawa pang makapara ng tricycle upang maisugod ang sarili sa ospital.