Alessandra de Rossi, sumulat ng bagong pelikula

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ni REGGEE BONOAN

DAHIL sa laki ng kinita ng Kita Kita nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez, marami ang nagtanong sa aktres sa presscon ng bago niyang pelikulang 12 kahapon kung ano na ang pagbabago sa kanya.

ALESSANDRA AT IVAN copy

“Hindi ko nga maintindihan kung bakit kailangang may magbago, eh, hindi naman dapat,” sagot ni Alessandra. “‘Yung mga taong nakapaligid sa akin ang nagbago at nagsabing dapat, Alex ganito, dapat ganyan, eh, hindi naman ganu’n ‘yun.

Hindi kasi ako ganu’ng klaseng tao.

“So huwag ninyo sanang ipasok sa utak ko ang ganu’n bagay kasi unfair na ikumpara ang dalawang bagay na kahit anong gawin mo pagtabihin mo ay hindi talaga sila pantay.”

Ibinalita rin ng dalaga na gagawa uli sila ng pelikula ni Empoy pero uunahin muna ang teleserye na kasama nila sina Piolo Pascual at Arci Muñoz (under Dreamscape Entertainment).

“Yes, dalawa kaming leading lady, naks, leading lady talaga. Excited din akong gawin ito with Empoy pero siyempre may kanya-kanya kaming buhay at hindi naman kami love team na kapag nagkahiwalay kami ay wala nang kuwenta ang project or may fans ba kaming ganu’n karami?” paliwanag ni Alessandra.

Natawa kami sa komento ni Alessandra na ang mga nabago raw sa kanya simula nu’ng tumabo ang Kita Kita ay marami na ang nagpapa-picture sa kanya at naiiwan na siya sa venue pagkatapos ng presscon.

“Hindi tulad dati hindi nila ako pinauupo sa presscon, kasi wala naman daw itatanong sa akin or kung dumating man ako, pinauuwi na ako kaagad kasi wala namang mag-i-interview. Pero ngayon ang dami-daming nagpapa-picture na sa akin (kasama na kami),” seryosong biro ng aktres.

Kaya 12 ang titulo ng pelikula nina Alesaandra at Ivan Padilla dahil limang taon silang magkaibigan at pitong taong nag-live in. Ang aktres ang sumulat ng script base sa mga naririnig at nakikita niyang kuwento ng mga kaibigan at iba’t ibang tao.

Walang formal training o workshop si Alex sa pagsusulat ng script at hindi rin siya nag-aral dahil high school pa lang ang tinapos niya, pero marami raw siyang ideya na gusto niyang ilabas.

“Marami akong pinagtatanungan tungkol sa mga sinusulat ko like ang kaibigan kong si Noreen Capili (scriptwriter ng ABS-CBN shows) at binabasa ko sa kanya at sabi naman niya maganda. Ewan ko lang kung totoo o dahil kaibigan ko siya,”saad ng dalaga.

Ang 12 ay tungkol sa karaniwang problema ng magkarelasyon na naglive-in na laging nag-aaway sa maraming bagay tulad ng pera, ang pagiging insensitive, at klinaro ni Alessandra na walang pisikal na sakitan kundi verbal abuse lang.

“Kung nasa isang relasyon ka, dapat mong panoorin ang 12, kapag naghiwalay kayo, mas dapat mong panoorin ang 12 at kapag masaya o malungkot ka sa karelasyon mo, kailangan mong panoorin ang 12,” nakakatuwang sabi ng dalaga.

Bukod sa siya ang sumulat ng script, siya rin ang nag-compose at kumanta ng theme song at nagdirek ng music video, at siya rin ang bida kaya ibinakas na niya sa Viva ang kabuuang talent fee niya.

Si Dondon Santos ang nagdirek ng 12 produced ng Viva Films, mapapanood na sa Nobyembre 8.