19-anyos kalaboso sa human trafficking

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ni: Bella Gamotea

Malamang na magtagal sa kulungan ang isang binata makaraang maaresto ng mga pulis dahil sa kinakaharap nitong tatlong bilang ng human trafficking sa Las Piñas City, nitong Martes ng hapon.

Nakapiit ngayon sa detention cell ng Las Piñas City Police si Lawrence Cancellar, 19, nakatira sa Lopez Compound, Barangay Daniel Fajardo.

Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), nadakip ng mga pulis, sa pangunguna ni Senior Insp. Eleazar Camiling, ang suspek sa kanyang bahay sa nabanggit na lugar, dakong 4:40 ng hapon.

Naaresto si Cancellar sa bisa ng warrant of arrest sa tatlong bilang ng paglabag sa Sections 5a at 6a ng Republic Act 7610 (Anti-Child Abuse Law).

Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa tatlong bilang ng human trafficking na kinakaharap ng suspek, habang may tig-P80,000 namang piyansa para sa tatlong bilang ng child abuse.