Kulang ang sustento, tinaga ni misis sa ulo

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Ni: Fer Taboy

Isang lalaki ang tinaga sa ulo ng kanyang misis makaraang magreklamo ang ginang sa kakaunting pera na inintrega ng asawa sa Talisay City, Cebu, iniulat ng pulisya kahapon.

Nakakulong ngayon ang hindi pinangalanang ginang, habang sugatan naman ang ulo ng mister.

Ayon sa biktima, hindi nagustuhan ng kanyang misis na P300 lang ang naibigay niyang pera rito mula sa pag-iihaw ng baboy.

Depensa naman ng suspek, kulang na kulang ang nasabing halaga para sa isang linggong pagkain nilang mag-asawa at ng dalawa nilang anak.

Sa kabila ng pananaga ng kanyang maybahay, nagawa pa ring dalawin ng biktima ang ginang sa kulungan para dalhan ng pagkain.

Gayunman, walang balak ang mister na patawarin ang misis, dahil hindi naman umano ito ang unang pagkakataon na sinaktan siya ng kanyang misis.