Amonsot, itataya ang WBA ranking

Filed under Boxing Balita RSS RSS Feed

MAGBABALIK aksiyon ang sparring partner ni bagong WBO welterweight champion Jeff Horn na Pilipinong si WBA No. 3 super lightweight Czar Amonsot na kakasa sa walang talong si Paraguayan light welterweight champion Carlos Manuel Portillo sa Oktubre 6 sa The Melbourne Pavillion, Flemington, Australia.

Huling lumaban si Amonsot noong nakaraang Hulyo 14 sa parehong lugar ngunit idineklarang no contest ang laban nila ni Martin Enrique Escobar nang itigil ito sa 2ndround sanhi ng putok sa kilay ng Pinoy boxer.

Mula noong 2007 nang madaig siya sa puntos ni dating world champion Michael Katsidis ng Australia sa laban sa Las Vegas, Nevada, hindi pa natatalo ang tubong-Bohol na si Amonsot sa 19 na laban na nabahiran lamang ng dalawang tabla.

Ngayon lamang lalaban sa labas ng Paraguay si Portillo na masasabing isang knockout artist dahil sa perpektong 18 panalo, 14 sa knockouts kumpara kay Amonsot na may kartadang 34-3-3 na may 22 pagwawagi sa knockouts. – Gilbert Espeña