22-anyos na UST law student patay sa hazing

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ni MARY ANN SANTIAGO

Katarungan ang isinisigaw ngayon ng pamilya ng isang freshman law student ng University of Santo Tomas (UST) na pinaniniwalaang nasawi matapos na sumailalim sa hazing ng mga miyembro ng fraternity sa unibersidad, sa Sampaloc, Maynila, nabatid kahapon.

Kaagad namang ipinag-utos ni Chief Supt. Joel Coronel, director ng Manila Police District (MPD), ang agarang imbestigasyon sa pagkamatay ni Horacio Tomas Castillo III, 22, 1st year law student ng UST at residente ng San Lorenzo Village, Makati City.

Sa ulat ni SPO1 Bernardo Cayabyab, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 7:00 ng umaga ng Linggo nang madiskubre ni Paul Silano, 27, medical technologist ng San Lazaro Hospital, ang biktima na nakabalot ng puting kumot sa may H. Lopez Boulevard, kanto ng Infanta Street sa Balut, Tondo.

Kaagad na pinara ni Silano ang dumaang pulang Mitsubishi Strada pick-up at isinugod nila sa pagamutan si Castillo, pero idineklara ng mga doktor na patay na ito ng 9:00 ng umaga.

WELCOME PARTY
Ayon sa mga magulang ng biktima na sina Horacio Jr. at Carmina Castillo, huli nilang nakitang buhay ang anak dakong 6:00 ng gabi ng Sabado nang magpaalam itong na mag-o-overnight sa UST dahil dadalo umano ito sa welcome party ng sinalihang Aegis Jvris fraternity, at nangakong uuwi kinabukasan.

Nagtaka na lamang umano ang mga magulang kung bakit hindi na nakauwi ang anak nitong Linggo, kaya hinanap nila ang anak ngunit hindi nila natagpuan.

Pagsapit ng 1:00 ng umaga kahapon, nakatanggap ng text message ang pamilya Castillo at sinabing si Horacio III ay nasa Chinese General Hospital.

“I called CGH, at first sabi wala. Pero sabi nila meron dito UST ID. Sabi ko, ‘nasaan na ‘yung anak ko, is he okay?’

Sabi nila kinuha na po ‘yung body ng SOCO,” nanlulumong kuwento ng amang si Horacio Jr..

TADTAD NG PASA, PASO
Sa Archangel Funeral na nagtungo ang mag-asawang Castillo at dito nakumpirma na ang anak nga nila ang bangkay na naroroon.

Labis naman ang paghihinagpis at galit na naramdaman ng pamilya nang makita ang bangkay ng biktima, na puro pasa sa magkabilang braso, namamaga ang katawan at tadtad ng mga paso ng sigarilyo at mga patak ng kandila, na indikasyong isinailalim nga ito sa hazing.

Lumalabas na hematoma ang naging dahilan ng pagkamatay ng biktima, ayon sa MPD-Scene of the Crime Operations (SOCO).
Tiniyak naman ni Coronel sa pamilya Castillo na gagawin nila ang lahat upang papanagutin ang mga taong nasa likod ng pagkamatay ng estudyante.

Samantala, sa naging pahayag ng pamunuan ng UST ay sinabi nitong ikinalulungkot nila ang nangyari kay Horacio III, nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya nito, at kinondena ang karahasang sinapit ng estudyante.

SINUSPINDE
Nagdaos naman kaagad ang UST Civil Law Student Council ng prayer vigil sa civil law lobby dakong 6:00 ng gabi kagabi para ipagdasal si Horacio III at ang lahat ng biktima ng hazing.

Sinuspinde na rin ng UST ang lahat ng opisyal at miyembro ng Aegis Jvris Fraternity habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Horacio III.

Sa isang-pahinang memorandum ng Faculty of Civil Law ng UST, na nilagdaan ng dean nito na si Atty. Nilo Divina, sinabing ang suspensiyon sa lahat ng opisyal at miyembro ng Aegis Jvris Fraternity ay epektibo kaagad kahapon, Setyembre 18.

Sa inilabas na pahayag, nangako naman ang Aegis Jvris na makikipagtulungan sa imbestigasyon kasabay ng pagpapaabot ng pakikiramay sa mga naulila ni Horacio III.

  • Wil Higashide

    Hazing should not be allowed in fraternity. True brotherhood
    does not inflict pain, it is kind, loving, helpful and
    compassionate!