Trike driver pinatay dahil sa P20

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Ni: Mary Ann Santiago

Patay ang isang tricycle driver nang pagsasaksakin ng isang lalaki na tinanggihan nitong bigyan ng P20 sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Dalawang saksak sa katawan ang ikinamatay ni Rowell Luna, 34, ng 883 Area-A, Gate 3, Parola Compound sa Tondo habang nakatakas naman ang suspek na si Diosdado Alvero, alyas Baga, tinatayang nasa edad 53, ng 615 Gate 3, Parola Compound, Tondo.

Sa imbestigasyon ni PO3 Joel Jasareno, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), naganap ang pananaksak sa MICP Road, tapat ng Gate 3, sa Parola Compound, dakong 9:30 ng gabi.

Nag-aabang umano ng pasahero si Luna nang lapitan siya ni Alvero at hiningan ng P20.

Tumanggi umano ang biktima at tumatawang niyakap ang suspek.

Ikinainsulto umano ni Alvero ang ginawa ni Luna kaya galit na galit itong umuwi at kumuha ng patalim saka tinarakan ang biktima bago tumakas.