Medical mission ni Ahwel Paz para sa entertainment media, big success uli

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ni REGGEE BONOAN

MARAMI na namang pinasayang entertainment writers/bloggers si Papa Ahwel Paz nitong nakaraang Linggo sa kanyang annual Medical Mission for the Members of Media na limang taon na niyang ginagawa sa De Los Santos Medical Center katuwang ang mababait at masisipag na doktor at staff ng nasabing hospital.

AHWEL PAZ AT TEAM DELOS SANTOS HOSPITAL copy

Ang hashtag ni Papa Ahwel na #ILoveMyFamily ay naging panata na niya para sa mga kasamahan sa media na laging abala sa kanilang trabaho kaya hindi na naasikaso ang sariling kalusugan. Kaya kadalasan ay huli nang nalalaman na maysakit sila.

Hindi na namin babanggitin kung sinu-sino na ang mga natulungan ni Papa Ahwel sa mga kasamahan sa panulat dahil na rin sa katwiran niya, “wala namang magtutulungan kundi tayu-tayo rin sa media.”

Ang sarap ng medical mission ni Papa Ahwel dahil nakalibre kami ng aming konsulta tulad ng comprehensive physical examination para sa complete blood count (CBC), urinalysis, glucose (FBS), uric acid, lipid profile, chest x-ray at ECG, ENT, cardio, OB-Gyne, at urology at dental services.

Mayroon ding libreng refraction na 50 members ng entertainment media ang nagkaroon ng reading glasses mula sa Ideal Vision.

Ang pinakamasarap na parte ay ang libreng almusal at tanghalian na luto ng mama at mga kapatid ni Papa Ahwel na nakikiisa rin para sa I Love My Family Medical Mission for the Media.

Samantala, gusto naming pasalamatan ang mga bumubuo ng ng De Los Santos Medical Center sa pangunguna nina Raul Pagdanganan – President/CEO; Dr. Nilo de los Santos – Medical Director; Dr. Lysander Ragodon – Vice President, Business Planning; Noemi Irasusta – Vice President Finance; Oasis Dental Care, Ideal Vision Center, Brig. Gen. Reynaldo Torres, DMD AVP Ancillary Services, at si Dr. Carlos Marcillus Funelas – Asst. Vice President for Marketing na siyang umiikot sa lahat para i-assist ang mga katoto.

Nag-volunteer din ang kapatid ni Vice Ganda na si EENT Dr. Tina Viceral dahil napakinggan daw niya ang announcement ni Papa Ahwel sa radio program nila ni Katotong Jobert Sucaldito at gusto raw niyang tumulong din. Kahit wala pang tulog ay dumiretso siya sa medical mission.