Marian at Dingdong, susundan si Zia pagkatapos ng ‘Super Ma’am’

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ni NORA CALDERON

MAGANDANG-MAGANDA sa suot na Michael Cinco inspired gown at masayang nagpa-interview si Marian Rivera sa grand launch ng Super Ma’am ng GMA Network.

MARIAN copy copy

Sa kanyang pagbabalik-serye ay hindi lamang gumaganap na teacher si Marian kundi pati na ang alter-ego niya kapag nagiging tamaho siya na pinaniniwalaan niyang nag-i-exist. Ang mga tamaho ay mythical winged creatures na nag-iiba ng anyo at tumutulong sa mga nangangailangan.

Iisa ang tanong kay Marian pagkatapos mapanood ang full trailer ng Super Ma’am: Hindi ba siya napi-pressure sa dual role na ginagampanan niya ngayon?

“Lahat naman ng gagawin natin laging may pressure sa simula, pero kapag nasanay ka na, ang nasa isip mo na lamang ay kasama ito sa trabaho mo,” sagot ni Marian.

“At ako, priority ko talaga ang ginagampanan kong role na pinaghandaan ko, training for the role at masaya ako nang binigyan ako ng GMA ng mga mahuhusay na artista, kahit iyong iba ay ngayon ko lang nakasama at bago rin ang director namin, si LA Madrigejos, na napakahusay talaga.

“Binigyan din ako ng GMA ng chance na pumili ng makakasama ko, si Kim Domingo ang isa sa kanila at sa leading man, kahit sa GMA na iyon, ni-request ko rin si Jerald Napoles dahil bukod sa kasama ko siya sa Triple A, kilala ko na siya at comfortable ako sa kanya dahil matagal na kaming magkasama sa Sunday Pinasaya. At natuwa rin ako na binigyan nila ako ng bagong leading man, si Matthias Rhoads.”

Hindi rin problema kay Marian kung pareho silang nagtatrabaho ngayon ng asawang si Dingdong Dantes. Mayroon kasing Alyas Robin Hood action-drama series si Dingdong plus may ginagawa rin itong movie sa Star Cinema with Aga Muhlach and Enrique Gil.

“Tulad ngayon, may taping si Dong kaya si Zia iniwanan ko muna sa mother-in-law ko, at susunduin ko siya ngayon, after ng presscon. Three times a week lang ang taping ko kaya natututukan ko pa rin si Zia. Kung may iba akong work, tulad ng photo shoot at TVC shoot, kung p’wede, isinasama ko ang anak ko, para may bonding pa rin kaming mag-ina.

Hindi naman mahirap alagaan ang anak namin, kasi napakabibo niya at masayahin. Kung inaantok na siya, kusa na siyang natutulog.”

Paano ang balak nila ni Dingdong na sundan na si Zia, dahil sabi nga niya, hindi na siya bumabata at gusto nilang magkaanak ng lima?

“Hindi ko bibiguin ang pagtitiwala ng GMA sa akin, tatapusin ko itong Super Ma’am namin at saka namin ibibigay ang baby brother na gusto ni Zia,” nakatawang pagtatapos ni Marian at nagpaalam para sunduin si Zia — sa kabila ng malakas na ulan habang ginaganap ang launching na itinuturing nilang blessing sa kanilang serye.

Magsisimula ang airing ng Super Ma’am sa Monday, September 18.