Sinaksak ng minura

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Sugatan ang isang binatilyo matapos saksakin ng construction worker na umano’y sinabihan nito ng “gago” sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Ginagamot sa Valenzuela City Medical Center si Jeffrey Sanchez, 18, ng No. 6330 CF Natividad Street, Barangay Mapulang Lupa ng nasabing lungsod. Siya ay nagtamo ng saksak sa kaliwang tiyan.

Nahaharap naman sa kasong frustrated homicide si Jerry Biorre, 45, ng Sitio Sulok, Bgy. Ugong, Valenzuela City.

Sa report nina PO3 Roberto Medrano, Jr. at SPO1 Edwin Mapula, nangyari ang pananaksak sa kahabaan ng Natividad St., Bgy. Mapulang Lupa, dakong 1:00 ng madaling araw.

Nasa labas ng bahay si Sanchez nang dumaan si Biorre at ang asawa nito na umano’y nag-aaway.

Sinabihan umano ng “gago” ni Sanchez si Biorre, at narinig ito ng huli at bumunot ng patalim saka sinaksak ang una. – Orly L. Barcala