Napagbintangan kinatay

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Mistulang baboy na kinatay ang isang lalaki nang pagsasaksakin ng kanyang kapitbahay hanggang sa nalagutan ng hininga sa Caloocan City, nitong Lunes ng gabi.

Dead on the spot si Francis Ortiz, 30, ng Phase 9, Block 11, Lot 29, Barangay 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod.

Tumakas naman ang suspek na kinilalang si Errol Padua, nasa hustong gulang, at ang isa niyang kasama na nagsilbi umanong lookout.

Ayon kay Flaviano Mediona, Jr., barangay tanod, nakita niya si Padua na may kasamang lalaki sa kahabaan ng Phase 9, Package 2, Botlog, Bgy. 176, dakong 9:30 ng gabi.

“Sinalubong nila si Francis at saka pinagsasaksak. Sumigaw ako kaya lang nagtakbuhan sila (mga suspek),” kuwento ni Mediona.

Ayon naman kay Danilo Ortiz, 68, ama ng biktima, pinagbintangan ni Errol ang kanyang anak na nagsumbong sa mga pulis kaya na-Tokhang ang kapatid nito na si Nonoy Padua.

“Hindi gagawin ng anak ko ‘yun kasi matalik silang magkaibigan ni Nonoy,” pahayag ni Danilo.

Kasong murder ang nakatakdang isampa laban sa mga suspek. – Orly L. Barcala