Kim Domingo, Asia’s Fantasy na

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ni NITZ MIRALLES

IPINAKILALA si Kim Domingo sa presscon ng Super Ma’am bilang Asia’s Fantasy na ikinagulat niya. Nasanay na siya sa unang title na ibinigay sa kanya, ang Pantasya ng Bayan.

KIM AT MARIAN_please crop the letters copy copy

“Napa-wow ako nang una kong marinig ang title na ‘yun. From Pantasya ng Bayan, naging Asia’s Fantasy na ako. Siguro dahil nagpunta ako sa Thailand for an event. Na-curious sa akin ang mga tao sa event at nagkaroon pa ako ng endorsement offer,” pahayag ni Kim.

Pero hindi raw siya masyadong magpapa-sexy sa Super Ma’am dahil bata ang target audience na ikinatuwa ni Kim dahil for the first time ay mapapanood at masusubaybayan siya ng mga tsikiting.

“Maganda nga ang project na ito dahil mapapanood na ako ng mga bata. Dati, karamihan sa nanonood sa akin mga lalaki. Dito sa Super Ma’am, makikilala na ako ng mga bata,” patuloy ni Kim.

Kapatid ni Marian Rivera ang role ni Kim sa comeback teleserye ng Primetime Queen. Siya si Mabelle Henerala o Avenir Segovia. Double blessing kay Kim ang Super Ma’am dahil may bago siyang primetime show at kasama pa niya ang kanyang idol na si Marian.

Naniniwala si Kim na hindi magagalit sa kanya ang fans ni Marian sa mga eksenang aawayin at aapihin niya ito dahil susunod lang siya sa script. Alam naman daw ng fans ni Marian na favorite rin niya ang aktres at sobrang saya nga niya nang malamang personal choice siya nito para gumanap bilang kapatid sa series.

“Sanay na rin ako sa bashers. Minsan sumasagot ako at may sinagot nga ako na nag-comment na wala akong talent, walang utak at puro boobs lang ang puhunan ko. Sinagot ko ang basher ng, ‘at least ang boobs na puhunan ko kumita na ng milyon’. Hindi na sumagot ang basher,” wika ni Kim.

Sa Monday (September 18) na ang pilot airing ng Super Ma’am pagkatapos ng 24 Oras mula sa direksiyon ni LA Madridejos. May halong fantasy/comedy/drama ang series at hindi lang pambata, for all ages ito.