Iya, may pinagseselosan kay Drew

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ni: Nora Calderon

INAMIN ni Iya Villania na starstruck siya sa kasama niya sa My Korean Jagiya na Korean actors na sina Alexander Lee, David Kim, Michelle Oh at Jerry Lee at maging kay Heart Evangelista.

IYA copy

“Natutuwa ako sa kanila, naka-adjust sila agad dito sa atin,” sabi ni Iya. “Si Xander parang mas gumuwapo siya ngayon. Sa work, I haven’t see them complain kahit late nights na kami matapos. May cut-off naman kami depende sa location. Pinaka-late naming taping under Mark Reyes is 4:30 AM.

“Hindi ko rin maisip na si Heart Evangelista ang nakakasama ko sa mga eksena, mag-best friend kami at swak daw ang aming chemistry. Pero hindi mo makikitang asawa siya ng senador, prim and proper, pero pagdating sa eksena, bigay siya. Ako kasi may pagkabrusko talaga, mahilig akong mag-workout, exercise. I enjoy working with Heart.”

Dumating sa set ang unico hijo nila ni Drew Arellano na mag-iisang taon na pala. Biniro si Iya ng reporters kung hindi pa nila susundan si Primo.

“Usapan namin ni Drew, if boy pa ulit ang susunod, iyon na ang last, pero kapag girl ang sumunod, sige, isa pa,” kuwento ng aktres/TV host.

Thirteen years na ang relasyon nina Iya at Drew, ten years bilang magkasintahan at three years na bilang mag-asawa. Nag-aaway din ba sila?

“There are obstacles along the way, but trials confirm and solidify the union. Selos? Yes, may pinagseselosan ako, iyong motor niya, ha-ha-ha! Pero dahil sa motor, hindi ko in-expect that I will rub elbows with The Judy Ann Santos.

Madalas kasing may get-together sila ng magkakasama sa motor, at nahihiya ako kay Juday dahil siya na ang nag-imbita, siya pa ang trabaho nang trabaho para sa amin. Mas gusto raw niya iyon, ini-enjoy niya. Palagay ko, they will have more children in their house.”

Ini-enjoy ni Iya ang mga ginagawa niya ngayon. Mula sa “Chika Minute” ng 24 Oras at sa My Korean Jagiya, na kapag may taping siya ay pinapayagan naman siyang hindi muna mag-“Chika Minute,” lalo na kung location ang taping nila.

Ibabalik nga ba ang Lip Sync Challenge na sila ni Michael V ang host?

“Yes, extended lang ang Celebrity Bluff ni Miss Uge (Eugene Domingo), siguro kami naman ang papalit kapag nag-break na sila. Na-miss ko nga iyong show namin ni Kuya Bitoy, ang galing-galing kasi niya.”

Napapanood ang My Korean Jagiya after ng Mulawin vs Ravena na nasa final week na ngayon.